Calendar
DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo
BOI official kinumpirma na walang empleyado ang Cale88 noong 2024, 2 lamang noong 2025
KINUMPIRMA ng isang opisyal ng Board of Investments (BOI) na ang umano’y exporter ng banana chips na Cale88 ay walang empleyado noong 2024 at dalawa lamang noong 2025, sa kabila ng pagkakaroon nito ng hindi bababa sa ₱1 bilyong benta, ayon sa iniulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ang Department of Trade Undersecretary na si Ceferino Rodolfo, na siyang vice chairman at managing head ng BOI, ay nagbigay ng kumpirmasyong ito sa cross-examination ni Atty. Erwin Matib, abogado ng panel ng mga tagausig mula sa House of Representatives.
Pinabasa ni Matib kay Rodolfo, na testigo ng depensa, ang mga kaugnay na bahagi ng General Information Sheets (GIS) ng Cale88 para sa 2024 at 2025 na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Ang mga kopya ng naturang dokumento ay isinama ng opisyal ng BOI sa kanyang mga dokumentong isinumite sa impeachment court ng Senado.
Bukod sa iniulat na umabot sa mahigit ₱1 bilyon ang gross sales nito sa isang pagkakataon, iniulat din ng AMLC na nakatanggap ang Cale88 ng ₱776 milyon na foreign remittances mula 2022 hanggang 2025, kabilang ang ₱319 milyon mula sa China.
Karamihan sa mga naturang pagpasok ng pera ay minarkahan ng mga bangko bilang “covered” at “suspicious” transactions o mga transaksyong kailangang iulat at kahina-hinala.
Kabilang sa mga dahilan ng pag-flag sa mga transaksyon ang hindi pagsusumite ng kliyente ng mga supporting documents gaya ng sales invoices, kawalan ng kaugnay na kalakalan o trade, ekonomikal o legal na obligasyon, at hindi pagtutugma ng mga natanggap na pondo sa kilalang financial profile ng kliyente.
Inamin din ni Rodolfo na wala siyang personal na kaalaman kung talagang natapos ang gusali ng Cale88, na idineklara ng kumpanya na 90 porsiyento nang kumpleto.
Bilang tugon sa mga tanong ni Matib, sinabi niyang hindi siya inimbitahan sa pagsisimula ng operasyon ng kumpanya, kaya wala siyang personal na kaalaman tungkol sa aktuwal na operasyon nito.
Inakusahan ng mga tagausig ang Bise Presidente at ang kanyang asawa na umano’y hindi idineklara ang kanilang kita mula sa Cale88.

