EJK

‘Budolterte’: Dating Pangulong Duterte tinawag na ‘Budol King’ ng lider ng Kamara

11 Views

BINANSAGAN ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union si dating Pangulong Rodrigo Duterte na “Budol King,” at inakusahan ito na niloko ang sambayanang Pilipino sa pekeng giyera nito kontra sa iligal na droga.

“Nabudol tayo ng Budolterte! For years, he made us believe he was waging a war against drugs, but the House Quad Comm’s investigation has revealed the shocking truth: it was a war that protected and enriched his most trusted men, including his right-hand operator, Michael Yang,” pahayag ni Ortega.

“Budolterte has deceived the nation for too long. But the truth is out—and the law will catch up with him,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Ortega ang pahayag matapos ang talumpati ni Duterte sa isang event ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na pinamumunuan ng nakakulong na si Pastor Apollo Quiboloy sa Hong Kong kung saan pabirong binalewala ang mga paratang laban sa kanya, pati na rin ang posibilidad ng kanyang pagkakakulong.

Si Quiboloy, na tumatakbong senador, ay kasalukuyang nakakulong sa Philippine National Police Custodial Center sa Quezon City matapos arestuhin sa KOJC compound sa Davao City noong Setyembre, dahil sa mga kasong human trafficking at pang-aabuso sa bata.

“Tayo mga ayaw ng gulo, napipilitan tayong harapin ang kasamaan. Sino ba namang gustong pumatay? P* i**** ‘yan. Why would I waste my time?” sinabi ni Duterte.

Nagbiro rin siya sa kanyang mga tagasuporta, hinihimok silang mag-ambag ng pondo para maipagpatayo siya ng monumento kung sakaling siya ay makulong.

“Kaya lang in the meantime, mag-contribute kayo, maski five dollars, 10 dollars. Para paglabas ko sa presuhan, pagawaan ninyo akong monumento katabi ni [Jose] Rizal,” ani Duterte.

Ngunit tinawag ni Ortega na desperadong pagtatangka ang mga pahayag ni Duterte upang takasan ang pananagutan.

“Habang nagpapatawa siya tungkol sa monumento, hindi niya sinagot ang tunay na tanong—bakit ang pinaka-pinagkakatiwalaan niyang si Michael Yang ang sentro ng drug trade sa Pilipinas?” tanong ni Ortega.

Ang quad comm—na binubuo ng House committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights at public accounts—ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa anti-drug campaign ni Duterte mula noong Agosto 2024.

Batay sa paunang natuklasan, lumilitaw na ilang matataas na opisyal sa ilalim ng administrasyong Duterte ang umano’y aktibong nagpatakbo ng drug trafficking habang nagsasagawa ng marahas na kampanya na nagresulta sa libu-libong pagkamatay.

Isa sa mga pinakamabigat na ebidensya ay ang testimonya ng dating police intelligence officer na si Col. Eduardo Acierto, na nagsabing si Duterte at ang kanyang malalapit na alyado ay nagbigay ng proteksyon sa mga drug trafficker, kabilang ang dating economic adviser niyang si Yang.

Nagbigay si Acierto ng mga intelligence report na nag-uugnay kay Yang sa isang transnational drug syndicate na may operasyon sa China at Pilipinas.

Ayon sa mga saksi, sina Yang at kanyang mga kasabwat na sina Allan Lim at Johnson Co ang nagmaniobra ng pagpapasok ng shabu na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso sa bansa.

Tinututukan din ng imbestigasyon ang papel ni dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, anak ng dating pangulo, sa umano’y pagpapadulas ng malakihang drug shipments upang makalusot sa security ng Bureau of Customs (BOC).

Binigyang-diin ng mga mambabatas ang dalawang malaking kaso ng drug smuggling noong 2017 at 2018—tinawag na “Tale of Two Shipments”—kung saan P9.8 bilyong halaga ng shabu ang naipasok sa bansa sa pamamagitan ng pantalan sa Maynila.

Isang matagal nang umiiral na sistema ng panunuhol, na kilala bilang tara system, ang nagbigay-daan upang malayang makalusot ang mga shipment na ito, kung saan umano’y tumatanggap ng bayad ang ilang opisyal ng gobyerno kapalit ng kanilang pag-apruba.

Lumabas din sa imbestigasyon na may isang state-sponsored reward system kung saan umano’y binabayaran ang mga pulis para pumatay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.

Ayon sa dating pulis at Davao Death Squad hitman na si Arturo Lascañas, tumatanggap ng hanggang P100,000 kada pagpatay ang mga law enforcement agents, at mismong si Duterte ang nag-utos ng mga assassination laban sa kanyang mga karibal sa drug trade.

Sa kabila ng mahigit 30,000 pagkamatay sa drug war, natuklasan ng quad comm na ang mga pangunahing tauhan gaya nina Yang, Lim at Co ay patuloy na nakakalaya at nakakapag-operate nang walang sagabal.

Ang mga natuklasan sa imbestigasyon ng Kongreso ay nagdaragdag sa lumalalang legal na suliranin ni Duterte, kasabay ng patuloy na pagsisiyasat ng International Criminal Court (ICC) sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Sa Hong Kong, inamin ni Duterte ang posibilidad ng kanyang pagka-aresto at sinabi sa kanyang mga tagasuporta, “Kung hulihin tayo, kung ikulong tayo, tatanggapin ko ‘yan.”

Gayunman, tinawag ni Ortega na isang palabas lang ang mga pahayag ni Duterte.

“He’s playing the victim while ignoring the real issue—his administration ran a state-sponsored drug cartel,” ani Ortega. “The former president was never fighting a war on drugs. He was running a drug empire.”