Bro. Marianito Agustin

Buhay si Haring Herodes sa atin kapag nakakaramdam tayo ng insecurities at kawalan ng kasiyahan sa buhay (MATEO 2:1-12)

372 Views

Jesus“Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya’y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. Kaya’t tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila’y tinanong. “Saan ba isisilang ang Cristo?” (Mateo 2:3-4)

MARAHIL talagang likas na sa isang tao ang pagkabalisa. Parang ang pakiramdam niya ay parating mayroong kulang kahit nasa kaniya na ang lahat. Maraming salapi, magarang sasakyan, napaka-gandang bahay, masasarap na pagkain at kung ano-ano pa.

Sa kabila ng lahat ng ito, ang mga ganitong tao ay nakakaramdam parin ng “insecurity”. Ito yung mga taong wala parin kasiyahan sa buhay at pakiramdam nila ay mayroon paring “kulang”.

Naghahangad parin sila kahit apaw-apaw na ang kanilang biyaya.

Ang salitang ‘INSECURITY” ay lapat na lapat sa kuwento ng ating Mabuting Balita (Mateo 2:1-12) tungkol kay Haring Herodes na labis na naligalig dahil sa pagsilang na isang sanggol na magliligtas sa sangkatauhan at tutubos sa ating mga kasalanan.

Mababasa natin sa Ebanghelyo na naglakbay at nagtungo sa Jerusalem ang tatlong Haring Mago o mas kilala bilang mga Pantas upang hanapin kung saan ipinanganak ang hari ng mga Judio na si Cristo. Ito ay matapos nilang makita ang tala. (Mateo 2:1-2)

Nang ito ay mabalitaan ni Haring Herodes. Siya ay naligalig kasama na ang buong Jerusalem. Kaya ang ginawa nito ay tinipon niya ang lahat ng kaniyang mga alipores o “die-hard supporters” para itanong sa kanila kung saan ba isinilang ang Cristo.

(ANG INSECURITIES AY NAUUWI SA KASAKIMAN)

Si Haring Herodes ay naliligalig. Siya ay nakakaramdam ng “insecurity” sapagkat ang pakiramdam nito ay nanganganib ang kaniyang trono dahil sa pagsilang ng sanggol na si Cristo na sa tingin ni Herodes ay aagaw ng kaniyang puwesto bilang Hari.

Minsan, ang nararamdaman nating “insecurities” at pagka-ligalig sa buhay katulad ni Haring Herodes ay hindi natin namamalayan na ito na pala ay nauuwi o humahantong sa kasakiman (greed). Bakit? Hindi kasi tayo nakakaramdam ng kasiyahan sa kabila ng lahat.

Siya ay humahantong sa kasakiman sapagkat pati ang pag-aari ng iba ay pinag-nanasaan narin natin. Ito ay ating hinahangad kagaya sa kuwento ni Herodes na ang pakiramdam nito ay “kakumpetensiya” niya si Cristo kaya gusto niya itong ipapatay.

Ang napakatingkad na halimbawa sa kuwentong ito ay ang sumambulat na kontrobersiya at katiwalian sa “flood control project” noong nakaraang taon. Ang mga taong idinawit sa eskandalong ito ay “insecure” parin sa buhay.

Nakaramdam parin sila ng “insecurities” dahil nakukulangan parin sila sa dami ng kanilang mamahaling sasakyan, parang kulang parin sa kanila ang bulto-bultong pera na ibinabalandra nila sa social media at insecure parin sila sa maluho nilang lifestyle. “Eh di wow!”

(SI HARING HERODES SA ATING BUHAY)

Sa ating kasalukuyang panahon. Minsan, naisasabuhay natin kung anoman ang karakter na mayroon si Haring Herodes. Ito ay naipapamalas natin kapag hindi tayo nasisiyahan sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos.

Ito ay nakikita sa ating mga kilos kapag hinahangad din natin ang pag-aari ng ating kapwa. Ano ba ang tawag niyo sa taong “pinapatos” ang asawa ng iba? Ano ba ang tawag niyo sa taong naninira ng kapwa dahil feeling niya ay kakompetensiya ang taong ito?

Naalala ko ang kuwento tungkol sa kapatid ng aking kaibigan. Minsan, siya ay lumapit siya sa akin at naglahad ng kaniyang problema tungkol sa kaniyang teammate sa volleyball. Ayon sa kaniya, ito ay pinayuhan niyang bumalik na lamang sa kanilang probinsiya.

Sinabi niya na ito ay kaniyang pinayuhan na bumalik na ng Cebu para duon ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral dahil walang mangyayari sa kaniya dito sa Maynila. Subalit sa bibig narin niya nanggaling kung bakit ganito ang kaniyang ipinayo sa kaniyang teammate.

Ang pakiramdam niya ay nasasapawan siya ng kaniyang teammate na mas mahusay kaysa sa kaniya. Feeling niya mas maraming atensiyon ang napupunta sa kaniyang teammate. Kaya para ito ay mawala sa kaniyang landas. Pinayuhan niya ito na bumalik na lang sa Cebu.

Ang kapatid ng aking kaibigan ay ang “Haring Herodes” sa ating modernong panahon. Dahil tulad ni Herodes, nais din niyang iwaksi ang kaniyang teammate na nagiging karibal niya sa atensiyon, sa talento at anomang bagay na mas higit pa sa kaniya.

(ARAL MULA SA PAGBASA)

Nais ituro sa atin ng Pagbasa na ngayong taong 2026. Iwaksi na natin ang ugaling “Herodes” sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. 1. Makuntento tayo sa mga bagay na mayroon tayo. 2. Maging maligaya tayo sa mga biyayang mayroon ang ating kapwa.

3. Huwag natin kaiinggitan ang pag-aari ng ibang tao. 4. Huwag natin siraan ang ating kapwa dahil pakiramdam natin ay kakompetensiya natin sila at 5. Lagi nating ipagpasalamat sa Panginoon ang mga biyayang natatangap natin.

Kapag ganito ang ating ginawa. Asahan niyo na gagaan ang ating pakiramdam, hindi natin mararamdaman ang “insecurities” sa ating buhay at higit sa lahat matututunan natin ang maging masaya sa maliit man o malaking biyayang galing sa Diyos.

AMEN