Calendar
Malabon handang maging katuwang CAMANAVA Press Corps sa medical mission
HANDA ang Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Malabon na maging katuwang ng binabalangkas na medical mission ng mga opisyal at miyembro ng CAMANAVA Press Corps para sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Target ng grupo ng mga mamamahayag na pinamumunuan ni Ka Maeng Santos na mapagkalooban ng atensiyong medikal, libreng konsultasyon, at medisina ang mga maralita, persons with disabilities (PWDs), at senior citizens, na dumaranas ng iba’t-ibang uri ng karamdaman.
Ayon kay Malabon City Administrator Dr. Alexander Rosete, handang tumulong ang pamahalaang lungsod sa mga makabuluhang aktibidad na ang makikinabang ay ang mga mahihinang sektor ng lipunan, kahit pa hindi sila residente ng Malabon City.
Sabi ni Dr. Rosete, noon pa man ay nakatuon na si Mayor Jeannie Sandoval sa pagkakaloob ng mga kaukulang tulong patunay ang inilunsad niyang pamamahagi ng Malabon Ahon Blue Card para mabilis na pagtanggap ng pangangailangan ng mga residente, tulad ng pinansiyal, pagkain, edukasyon, suportang pangkabuhayan, at higit sa lahat ay pangangalaga sa kanilang kalusugan, kabilang na rito ang pagpapa-ospital.
Sinabi pa ni Dr. Rosete na kabilang sa magiging pangunahing bahagi ng pagdiriwang ng ika-61 taong kaarawan ng alkalde ang pagkakaloob ng libreng oral health services mula sa bunot ng ngipin hanggang sa pagpapa-pustiso at libreng operasyon ng mga tumubong bukol sa katawan.
Bagama’t nitong Miyerkules, Enero 14, nagdiwang ng kaarawan ang alkalde, isasagawa ang dalawang araw na libreng medical and dental mission, hindi lamang para sa mga tag-Malabon, sa Sabado at Linggo, Enero 17 at 18, 2026.
Isa si Mayor Jeannie sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan ang isinama ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pagtungo sa United Arab Emirates (UAE) upang makakuha ng kaalaman sa tatalakaying pandaigdigang isyu mula sa enerhiya, pagkain, patubig, pananalapi, at kalikasan.
16 sa 18 barangay sa Navotas, drug-cleared na
DALAWA na lang pala sa 18-barangay sa Navotas City ang hindi pa naide-deklarang malinis sa ilegal ng droga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Napabilang na kasi ang Bagumbayan South at North Bay Boulevard North (NBBN) bilang pang-15 at pang-16 sa 18 barangay na malinis na sa ilegal na droga kasama ang North Bay Boulevard South (NBBS) Dagat-dagatan, NBBS Proper, NBBS Kaunlaran, Navotas East, Navotas West, Tanza I, Tanza II, San Rafael Village, Bagumbayan North, Sipac-Almacen, Bangkulasi, Daanghari, San Roque, and San Jose.
Mismong si Mayor John Rey Tiangco pa ang nagkaloob ng PDEA certificates kina Bagumbayan South Brgy. Chairman Joselito Sulit at NBBN Chairman Noel Aviles bilang pagkilala sa kanilang tagumpay sa paglaban sa ilegal na droga na aniya ay sumasalamin sa malakas na pagtutulungan ng barangay, pulisya, at komunidad.
Umaasa si Mayor Tiangco na paiigtingin pa ng dalawang natitirang barangay, ang Tangos North at Tangos South, ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga upang lahat ng barangay sa lungsod ay maging malinis na sa ilegal na droga.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

