Calendar
Buy-bust sa Cubao nauwi sa engkwentro, 3 ‘tulak’ dead on the spot
DEAD on the spot ang tatlong sinasabing bigtime tulak matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng Philippine National Police-Drug Enforcement Agency (PDEG) na nagkasa ng buy-bust operation sa Cubao, Quezon City nitong Martes ng hapon.
Batay sa ulat ng Cubao Police Station 7 ng Quezon City Police District (QCPD), alas-2:30 ng hapon nitong Martes (November 18) nang maganap ang engkwentro malapit sa NEUPETRO sa kahabaan ng 13th Avenue, kanto ng Justice Lourdes Paredes Santiago (dating Main Avenue) sa Brgy. Socorro, Cubao, Quezon City.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Jaymar Anapi, nagsagawa ng buy-bust ang mga operatiba ng Special Operation Unit (SOU3) PDEG sa pamumuno ni P/Col Richard Ian T Ang sa koorrdinasyon sa SOU ng national Capital Region (NCR) sa lugar.
Nang matunugan ng suspek na si alias “Dan” at ng dalawa niyang kasabat na mga pulis ang kanilang ka-transaksiyon ay agad na bumunot ang mga ito ng baril at pinaputukan ang mga awtoridad.
Alerto namang agad na gumanti ng putok ng baril ang mga operatiba ng PDEG hanggang sa magkabarilan ang magkabilang panig na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong suspek.
Hanggang sa isinusulat ito ay patuloy pa ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek at iniimbentaryo pa ang dami ng shabu na nakuha sa kanila.

