Crime

Model na natagpuang bangkay walang bakas ng pambubugbog

252 Views

WALA umanong nakitang bakas ng strangulation o pasa ng pambubugbog sa katawan ng modelo na natagpuang patay sa bahay ng dating kasintahan sa Quezon City.

Sa isang panayam kay Quezon City Police District (QCPD) Criminal Investigation and Detection Unit Chief PLt. Col. Edison Ouano, hinihintay pa nila ang resulta ng autopsiya na ginawa sa bangkay ng modelong nasawi upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.

Ilang post sa social media ang nagsasabi na ang biktima ay namatay umano dahil sa bugbog.

Wala rin umano sa kustodiya ng pulisya ang dating kasintahan ng nasabing modelo.

Samantala, narekober umano ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD ang iba’t ibang mga capsule, tableta at drug parapehernalia, na kinabibilangan ng tatlong glass tubes na may bahid na yellowish liquid at maliit na grinder na may bahid ng marijuana (Kush) sa kuwarto kung saan natagpuan ang biktima.

Linggo ng gabi nang mapansin ng dating kasintahan ng biktima na hindi na gumagalaw ito kaya nagpasyang dalhin ito sa Quezon City General Hospital, kung saan idineklarang dead on arrival bunsod ng cardiorespiratory distress.

Dating magkarelasyon ang dalawa na nagkikita pa rin bagaman hiwalay na.