Isko1

Manila city hall workers makukuha na bonus, cash gift

Edd Reyes Nov 17, 2025
324 Views

SINIMULAN na sa Maynila ang pamamahagi ng year-end bonus at cash gift sa mga regular employees ng Manila City Hall.

Sinabi ni Mayor Isko Moreno Domagoso na inatasan na niya si Atty. Paul Vega, OIC ng City Treasurer, ang paglalabas ng P317 milyon bonus para sa mga empleyado.

“I ordered the City Treasurer’s Office to release this afternoon P317,014,291.84, or P317 million, worth of year-end bonuses.

At hindi lang bonus ‘yung nagawan natin ng pera, kasama pa cash gift,” pahayag ng alkalde.

Tatanggap ng bonus na katumbas ng isang buwang sahod ang mga kawani at may P5,000 pang cash gift sa lahat ng kuwalipikado, kabilang ang mga nakatalaga sa Sangguniang Panlungsod.

Aminado ang alkalde na hamon sa kanya ang makalikom ng pondo para sa bonus ng mga kawani lalu’t wala naman siyang dinatnang pondo.

“Isang linggo na akong sinisilihan. Paano ko kaya bibigyan ng bonus ‘yung mga empleyado ko?’ dahil walang-wala talaga,” sabi pa niya.

Nanawagan si Yorme Isko sa mga empleyado na maging matiyaga sa pagseserbisyo sa mga nagtutungo sa city hall para magbayad ng buwis.

“Please, please, exercise great patience,” pakiusap ng alkalde.