Airport

CAAP pinuri empleyado ng airport na nagsauli ng P60K

Jun I Legaspi Feb 1, 2025
12 Views

PINURI ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang isang empleyado ng Laguindingan Airport na nagsauli ng bag na may lamang P59,684 cash noong Huwebes.

Sa ulat, alas-7:00 ng gabi habang naka-duty sa arrival well-wishers’ area, natagpuan ni Nader Talib ng Ground Maintenance Unit (GMU) ang isang naiwang bag.

Agad ipinagbigay-alam ni Talib sa CAAP Service and Intelligence Unit (CSIS), na mabilis namang nakipag-ugnayan sa Philippine National Police Aviation Security Unit (PNP AVSEU)-K9 unit upang magsagawa ng mga kinakailangang panseguridad na hakbang.

Matapos ang masusing inspeksyon, nakumpirma ng mga awtoridad na naglalaman ang bag ng nasabing amount ng cash at mahahalagang dokumento at natukoy ang tunay na may-ari nito—isang pasahero sa flight 5J 2527 na kalalapag lamang mula sa Maynila.

Dahil sa maagap at propesyonal na pagtugon ng CSIS team at PNP AVSEU personnel, naibalik ang bag at ang mahahalagang laman nito.

Iginiit ng CAAP na ang kapuri-puring kilos na ito patunay ng matibay nilang paninindigan sa integridad, propesyonalismo at paglilingkod sa publiko.