Crime

Caregiver pinatay sa sakal ng Akyat Bahay?

770 Views

POSIBLE umanong pinatay sa sakal ang isang babaeng caregiver ng Akyat Bahay na nagnakaw pa sa bahay na pinagtatrabahuhan ng biktima sa Quezon City

Sa report Ciminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), alas 8:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng 57-taong gulang na caregiver sa pinagtatrabahuhang bahay sa Brgy. Maharlika, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Nestor Ariz Jr., nagising umano ang matandang babae na inaalagaan ng biktima nang mapansin na may lalaki sa loob ng kanyang silid na tila may hinahanap.

Dahil mahina na ito at hindi makatayo sa higaan, tinawag niya ang caregiver subalit hindi ito sumasagot.

Kinuha niya ang kanyang cellphone phone at tinawagan naman ang kasambahay at pinapunta ito sa kaniyang bahay.

Agad namang pumunta ang kasambahay sa bahay ng matanda subalit laking gulat nito nang sa kaniyang pagdating ay nakita nito na nakahandusay ang biktima, sa isang bakanteng kuwarto sa ground floor, na walang suot na underwear at wala ng buhay kaya agad niyang inireport sa mga awtoridad

Dumating ang SOCO team mula sa QCPD-FU, sa pangunguna ni P/CMS Frederico Mansano, at sa pagsusuri, nakitaan ng mga sugat sa mukha at bakas ng tali sa leeg ang biktima.

Sa isang ocular inspeksyon sa bahay, napag-alaman na ang mga cabinet sa silid ng matanda ay bukas at tila hinalungkat.

Lumilitaw na halos tatlong taon nang nagtatrabaho ang biktima bilang stay-out household helper at caregiver ng matandang amk.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.