Calendar
Catapang pinangunahan panunumpa sa tungkulin, pagsusuot ng bagong ranggo ng 348 tauhan ng BuCor
PINANGUNAHAN ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang sabayang Seremonya ng Panunumpa sa Tungkulin at Pagsusuot ng Bagong Ranggo na ginanap sa harapan ng Administration Building, National Headquarters, sa Lungsod ng Muntinlupa, ngayong araw.
May kabuuang 348 tauhan ang nanumpa at pormal na nanungkulan sa kanilang mga bagong posisyon sa isinagawang seremonya. Kinikilala sa nasabing aktibidad ang mga tauhang na-promote, pumasok sa pamamagitan ng lateral entry, at mga bagong itinalaga upang maging bahagi ng Kawanihan sa pagtupad nito sa mandato.
Kabilang sa mga na-promote ang isang Corrections Technical Senior Inspector at anim na sibilyang kawani. Samantala, 31 Corrections Inspector at siyam na Corrections Technical Inspector ang nakapasok sa Kawanihan sa pamamagitan ng lateral entry.
Malugod ding tinanggap sa seremonya ang 274 na bagong talagang Corrections Officer 1, 21 Corrections Technical Officer 1, at anim na sibilyang kawani.
Sa kanyang mensahe, binati ni Catapang ang mga tauhan at binigyang-diin ang kahalagahan ng kanilang mga bagong tungkulin sa pagsusulong ng mga layunin ng Kawanihan. Ayon sa kanya, ang pagdaragdag ng mga bagong tauhan ay makatutulong upang mapalakas ang lakas-paggawa ng BuCor at higit pang mapahusay ang kakayahan nitong maisakatuparan ang misyon at bisyon nito.
Hinimok din niya ang mga bagong itinalaga, na-promote, at nakapasok sa pamamagitan ng lateral entry na panindigan ang propesyonalismo, integridad, disiplina, at dedikasyon sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.
Ipinaalala rin niya na ang paglilingkod sa bayan ay nangangailangan ng pananagutan at buong-pusong dedikasyon, lalo na sa rehabilitasyon at ligtas na pangangalaga sa mga person deprived of liberty (PDL).
Binigyang-diin din ni Catapang sa mga tauhan na, “May kaakibat na responsibilidad ang lahat ng ito. Kinuha kayo hindi lang para sa trabaho pero mas mahalaga ang pagseserbisyo sa bayan nang may dignidad at responsibilidad sa inyong posisyon.”
Idinagdag pa niya na ngayong taon ay kinilala ang mga pagbabagong nakamit ng Kawanihan, na naging malinaw sa pagbisita ng Pangulo at ng Unang Ginang sa BuCor.
Inaasahang makatutulong ang mga bagong tauhan sa pagpapatuloy ng mga programa at operasyon ng Kawanihan, kabilang ang pagpapatupad ng makatao, ligtas, at nakatuon sa rehabilitasyon na pamamahala sa mga pasilidad ng pagwawasto, ayon kay Catapang.
Dinaluhan ang seremonya ng mga opisyal ng BuCor, mga unipormado at di-unipormadong kawani, mga kapamilya, at iba pang panauhin. Binigyang-diin ng aktibidad ang patuloy na pagsisikap ng BuCor na palakasin ang yamang-tao nito at higit pang pagbutihin ang paghahatid ng mga serbisyong pangwawasto sa buong bansa.

