Jinggoy

CCG kinondena ni Jinggoy sa pagbangga sa barko ng PCG sa Escoda Shoal

73 Views

KINONDENA ni Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Ejercito Estrada ang “sinasadyang” pagbangga ng Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG)–ang BRP Teresa Magbanua–sa Escoda Shoal noong Sabado.

Tatlong beses binangga ang barko ng Pilipinas ng CCG na, ayon sa senador, naging ugat ng galit ng international community.

Binigyang-diin ni Estrada ang pangangailangan ng agarang aksyon at hinihimok ang gobyerno na dalhin ang insidente sa mga internasyonal na korte, at panindigan na ang agresibong kilos ng Tsina lumalabag sa mga pandaigdigang batas pandagat at lumalapastangan sa soberanyang karapatan ng Pilipinas sa loob ng exclusive economic zone (EEZ).

Nanawagan din si Estrada ng patuloy na aksyon mula sa gobyerno upang pangalagaan ang soberanya sa West Philippine Sea at pinuri niya ang mga tauhan ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa tapang sa pagtatanggol ng katubigan ng Pilipinas.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, ang BRP Teresa Magbanua, na nakaangkla sa Escoda Shoal, “sinasadyang” binangga ng CCG vessel 5205.

Walang naman nasaktan sa mga tauhan ng PCG ngunit ang pinsala sa barko inaalam pa ng PCG.,

Sa kabila ng pagtaas ng tensyon, muling pinagtibay ng pamahalaang Pilipino na hindi nito iaatras ang barko nito at binanggit ang pandaigdigang batas, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang desisyon ng Hague noong 2016, bilang legal na batayan ng presensya nito sa shoal.