Calendar
Inihayag ni NBI Director Jaime Santiago ang ginawang entrapment na nagresulta sa pagkakatimbog sa suspek na isang Chinese national sa Makati City.
Chinese na nagbebenta ng pera laglag sa NBI
INARESTO ng NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) ang isang Chinese national na si Deng Lin sa Makati City dahil sa paglabag sa kasong Illegal Possession and Use of False Treasury o Banknotes and Other Instruments of Credit.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nagbebenta ng 100 pekeng piraso ng luma at bagong bersyon ng P1,000 sa halagang P20,000 at P33,000.00, ayon sa pagkakabanggit, ang suspek.
Sa tulong ng isang impormante, nagkasundo ang magkabilang panig na magkita sa isang mall sa Makati City para tapusin ang transaksyon.
Noong Oktubre 21, 2025, tumuloy ang NBI-CCD agents, kasama ang mga kinatawan mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa napagkasunduang tagpuan para sa entrapment operation.
Sa pag-abot ng marked money na nagsasaad na ang pagbebenta ay natapos na, ang mga ahente ng CCD, sa presensya ng mga kinatawan ng BSP, ay ipinaaresto ang suspek.
Dinala ang suspek sa opisina ng NBI-CCD at sumailalim sa standard booking procedure at pagkatapos ay iniharap para sa inquest proceedings para sa mga nabanggit na paglabag.

