Isko

Seniors kapiling ni Yorme sa kanyang 51st birthday

Edd Reyes Oct 24, 2025
344 Views

SA halip na bonggang selebrasyon, mas pinili ni Mayor Isko Moreno na makapiling sa kanyang ika-51-taong kaarawan noong Biyernes ang 520 senior citizens na nasa pangangalaga ng Luwalhati ng Maynila sa Manila Boys Town Complex sa Marikina.

“Good morning po. Aga-aga, naka-kolorete kayo!” pagbati ni Yorme Isko bago siya sumalo sa pagkai sa mga senior na kababaihan.

“Napanood ko ’yung video mo, kaya pinasundo agad kita. Laging may awa ang Diyos. Masaya ako dahil nagamot ka na,” sabi ng alkalde.

Naging tradisyon na ng alkalde bisitahin sa araw ng kanyang kapanganakan ang mga institusyong kumakalinga sa mga matatanda, mga ulila, at mga bata.

Dala naman ng alkalde sa kanyang pagbisita sa institusyon ang kumpletong Jollibee meals, cakes at munting regalo na galing naman sa mga empleyado ng city hall at donor ng lungsod.

Pinasalamatan naman ni Mayor Isko Moreno ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na pinamumunuan ni Director Jay Reyes Dela Fuente at ang Luwalhati ng Maynila sa kanilang pagmamalasakit.