DepEd Source: PNA file photo

COA sinita inaamag na nutribun, sablay na implementasyon ng feeding program ng DepEd sa ilalim ni VP Sara

86 Views

SINITA ng Commission on Audit (COA) ang inaamag na nutribun, nabubulok na mga food item, hindi maayos na pagkakabalot ng mga pagkain, at kuwestyunableng manufacturing at expiration date ng mga pagkain sa ilalim ng school-based feeding program ng Department of Education (DepEd) noong 2023, sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.

Sa audit report ng COA para sa taong 2023, sinabi nito na 21 Schools Divisions Office (SDO) sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nakaranas ng delay o hindi na-deliver sa oras ang pagkain at gatas sa ilalim ng P5.69 bilyong School Based Feeding Program (SBFP) ng DepEd.

“Pest/insects were found inside Karabun/Milky bun and E-nutribun (squash) during the inspection of food commodities,” sabi ng state auditors sa Aurora SDO, ang probinsya ng bagong talagang Education Secretary Juan Edgardo Angara.

Sa Bulacan SDO, nalaman ng audit team na ang mga ipinadalang pagkain ay bulok, hindi pa hinog o nasira. Ang Bulacan at Aurora ay kapwa nasa Region 3 (Central Luzon).

“1,001 pieces of E-nutribun delivered from September 2023 to January 2024 were returned to the suppliers for replacement due to the presence of molds and discoloration on the bread, 1 to 2 days before the expiry dates,” saad naman ng mga auditor mula sa karanasan ng Misamis Oriental SDO.

Pinagdudahan naman ang mga food item na binili para sa Iligan City SDO dahil nakalagay umano sa kahon na ang expiry date ay Oktubre 29, 2023, pero sa mismong produkto ang nakalagay ay Oktubre 26, 2023.

“The product contains manufacturing date which is not easily discernible and misrepresents, contrary to the terms of the contract. Hence, the supplier failed to meet the standard of the contract in providing a clear and readable manufacturing date,” sabi ng audit team.

Ang Misamis Oriental SDO at Iligan City SDO ay kapwa nasa Region 10 (Northern Mindanao).

Sa Metro Manila, inireklamo naman ng Quezon City SDO ang hindi magandang packaging ng pagkain at ang laman umano ay mas maliit o mas magaan kumpara sa nakalagay sa kontrata.

“The root crops and fruits were not individually packed in cling wrap or paper. The weight of five food items purchased and distributed were below the prescribed serving size. Eight kinds of prescribed NFPs (Nutritious Food Products) or alternatives were substituted with other food products,” sabi ng mga auditor.

Layunin ng SBFP na matulungan ang mga undernourished learner sa mga pampublikong paaralan. Ang feeding program ay mayroong dalawang bahagi — ang NFP o pagbibigay ng hot meal o food items gaya ng prutas, itlog, kamote at nutty bars; at pasteurized fresh milk.

Sa 10 rehiyon, sinabi ng auditors na late dumating ang gatas o walang dumating sa buong school year.

Nangyari umano ito sa Mandaluyong City at Pasig City na kapwa nasa National Capital Region (NCR); Ifugao, Benguet at Baguio City sa Cordillera Administrative Region (CAR); La Union sa Region 1 (Ilocos Region); Oriental Mindoro at Palawan sa Region 4B (Mimaropa); Camarines Sur sa Region 5 (Bicol Region); Zamboanga City sa Region 9 (Zamboanga Peninsula); Bukidnon, Valencia City at City of Malaybalay sa Region 10 (Northern Mindanao); Tagum City sa Region 11 (Davao Region); South Cotabato at Sultan Kudarat sa Region 12 (Soccsksargen); at Agusan del Norte, Surigao del Norte, Butuan City, Cabadbaran City at Surigao City sa Region 13 (Caraga).

Ang delay sa pagdating ng gatas sa NCR, CAR at Regions 1, 4B, 9, 10, 11, 12 at 13 ay isinisi sa Philippine Carabao Center o National Dairy Authority, at pribadong supplier. Nangyari umano ang delay kahit na-release na ang pondo unang quarter pa lamang ng 2023.

Sa Camarines Sur SDO, ang halos P100 milyong halaga ng produktong pagkain ay hindi dumating at ang supply contract para sa gatas ay hindi nalagdaan.

“As of February 14, 2024, NFPs totaling 6,847,234 units amounting to P98,613,931 remained undelivered. The procurement of milk products was not yet conducted,” sabi ng audit team.

Sa Palawan SDO, nauna umano ang pagbabayad sa supplier kaysa sa pagdating ng mga pagkain.

“Audit revealed that SDO Palawan paid on December 15, 2022 the full amount of P25,709,893 for NFP purchased… despite delayed delivery of goods totaling P14,589,363 per delivery receipts and school IARs (inspection and acceptance reports),” sabi pa ng mga auditor.

Bagamat naipamigay umano ng mga SDO ang mga pagkain at gatas, sinabi ng COA na hindi nasunod ang guidelines ng DepEd Feeding Program dahil dinoble-doble na lamang umano ang ipinamigay at maging ang mga estudyante na hindi undernourished ay nabigyan. Ginawa umano ito upang hindi masira ang mga pagkain.

“The delayed implementation of the SBFP may result in non-completion of the full cycle of the feeding program for its targeted beneficiaries, hence, the maximum benefits from the program may not be attained,” sabi pa ng COA.

Ayon sa mga SDO, magsasagawa sila ng on-site inspection sa mga production facility ng nutribun upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa sanitation at safety standards, samantalang ang iba ay nangako na isasama ang mga school health professional sa isasagawang consultative meeting sa mga supplier upang matugunan ang mga isyu ng pagiging ligtas ng mga pagkain.

Upang matugunan naman ang delay o hindi na-deliver na gatas, iuusog umano ang procurement calendar upang matiyak na made-deliver sa oras ang mga gatas at mapapalitan ang mayroong mga problema.