Pic1

Con-Con isinusulong pang magpatupad ng mga reporma, linawin mga kalabuan sa Saligang Batas ng 1987

417 Views

NANAWAGAN si Deputy Speaker at National Unity Party (NUP) Chairman Ronaldo Puno nitong Lunes para sa isang Constitutional Convention (ConCon) na magsasagawa ng masusing pagsusuri sa Saligang Batas ng 1987 upang itama ang mga “matagal nang kalabuan” at kakulangan na nagpapahina sa pundasyong legal nito at nagpapababa sa pagiging epektibo nito bilang pinakamataas na batas ng bansa.

Sa isang privilege speech, sinabi ni Puno na ang ConCon ay ang “pinakamaingat, malinaw, at bukas na mekanismo” upang itama ang mga malalabong probisyon at maisakatuparan ang mga kinakailangang reporma sa Saligang Batas ng 1987.

“Ngayon, isinusumite ko sa kagalang-galang na kapulungang ito na bagama’t marangal sa layunin ang ating Saligang Batas, may ilang bahagi nito na hindi malinaw at may mga kakulangan sa proseso. Hindi lamang nito pinapalabo ang interpretasyon, kundi humahadlang din ito sa reporma, nagpapahirap sa mabuting pamamahala, at nagpapahina sa tiwala ng publiko,” ani Puno.

Nilinaw niya na ang kanyang panukala ay “hindi panawagan upang itapon ang Saligang Batas, kundi panawagan upang ito’y kumpletuhin at itama.”

Ang NUP na pinamumunuan ni Puno ay may 44 na kasapi sa House of Representatives, kaya ito ang ikalawang pinakamalaking partido pulitikal sa Kamara, kasunod ng Lakas-CMD.

Ayon kay Puno, binibigyan ng ConCon ang mamamayan ng kapangyarihang, sa pamamagitan ng mga halal na delegado, itama ang mga pagkukulang sa teksto, lutasin ang mga kontradiksyon, alisin ang mga kalabuan, institusyonalisahin ang mga kinakailangang reporma, at tiyakin na ang Saligang Batas ay tugma sa pangangailangan ng isang dinamiko at demokratikong lipunan.

Ang ruta ng ConCon, sa halip na Constituent Assembly, ay nagbibigay ng “isang layunin lamang,” kung saan ang mga delegado ay hindi naaabala o nadidistrak ng paggawa ng batas, oversight functions, o impeachment proceedings, ani Puno.

“Maiiwasan ang conflict of interest, mas malawak ang representasyon, at nababawasan ang panganib ng political expediency,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Puno ang pangangailangang itaguyod ang reporma sa Saligang Batas sa pamamagitan ng ilang halimbawa ng kalabuan at kakulangan sa teksto na nagpapahina sa pundasyong legal ng Konstitusyon.

Pinakabagong halimbawa nito, ayon sa kanya, ay ang interpretasyon ng salitang “forthwith” sa Artikulo XI, Seksyon 3(4) hinggil sa impeachment. Ang salitang ito ay dapat sana’y nagsisiguro ng agarang aksyon, ngunit naging sanhi ng pagtatalo at pagkaantala.

Aniya, ang isyung ito ay nagbukas ng seryosong tanong sa usaping konstitusyonal at legal.

“Tinitingnan na ba ngayon ng lehislatura na ang interpretasyon ng ‘forthwith’ ay dapat gamitin sa LAHAT ng katulad na probisyon sa Konstitusyon? Maaari na bang hindi sundin ang malinaw na utos ng Konstitusyon sa ngalan ng interpretative discretion?” tanong ni Puno.

Ipinakita ng kasong ito kung paanong ang isang salitang malabo ay maaaring maging dahilan ng kawalang-kilos ng lehislatura, manipulasyong procedural, o, mas masama pa, pagkawala ng pananagutan, aniya.

“Ang Saligang Batas na hindi nagbibigay ng malinaw at tiyak na gabay ay pinapahina ang layunin nito bilang pangunahing batas ng bayan. Kapag ito’y madaling ma-interpret ng iba’t iba, nawawala ang tiwala ng mamamayan at ang batas ay nagiging bukas sa kalituhan at abusadong aplikasyon,” ani Puno.

Sa kanyang talumpati, binanggit din niya ang iba pang mga halimbawa ng kalabuan sa Konstitusyon:

Artikulo VIII, Seksyon 8 ukol sa Judicial and Bar Council (JBC), na nagsasaad na dapat may “kinatawan ng Kongreso” ngunit hindi nililinaw kung paano ito isasagawa sa isang bikameral na lehislatura. Kinailangan pang magdesisyon ang Korte Suprema na isa lamang ang maaaring representante mula sa Kongreso, na salit-salit mula sa Senado at Kamara, isang hindi komportableng kompromiso.

Artikulo VI, Seksyon 28, talata 4 tungkol sa pagbibigay ng tax exemption. Sinasabi nito na “walang batas ukol sa tax exemption ang maipapasa nang walang pagpayag ng nakararami sa lahat ng miyembro ng Kongreso.” Hindi malinaw kung dapat bang bumoto ang Senado at Kamara nang magkasama o hiwalay, na may epekto sa quorum at bilang ng boto.

Artikulo VII, Seksyon 19 ukol sa pagbibigay ng amnestiya ng Pangulo, na kailangang aprubahan ng “nakararaming miyembro ng Kongreso.” Hindi rin nilinaw kung ito’y dapat gawin sa joint vote o hiwalay na boto ng Senado at Kamara. Ito ang naging ugat ng kontrobersiya sa amnestiya sa mga miyembro ng Magdalo Group, kabilang si dating Sen. Antonio Trillanes IV.

Artikulo X, Seksyon 8 ukol sa tatlong taong termino ng mga halal na lokal na opisyal, maliban sa mga barangay official. Dahil dito, nakagawa ang Kongreso ng hindi bababa sa limang batas upang ipagpaliban ang barangay elections, na ginagamit sa kadahilanang politikal o kakulangan sa pondo—isang sitwasyong nagpapahina sa pananagutan sa pinakapayak na antas ng pamahalaan.

“Ang isang Konstitusyon na nagpapahintulot ng paulit-ulit na pakikialam ng lehislatura sa iskedyul ng halalan, nang walang limitasyon, ay Konstitusyong madaling manipulahin,” giit ni Puno.

Ang ganitong pattern ng pagpapaliban ng barangay elections ay lumilikha ng impresyon na maaaring talunin ng political convenience ang prinsipyo ng demokrasya, at pinalalawig ang kapangyarihan ng mga opisyal nang walang bagong mandato mula sa taumbayan.

Aniya, ang lahat ng ito ay nagpapakita kung paanong ang mga malalabong bahagi ng Konstitusyon ay nagiging butas sa batas, sanhi ng krisis pampulitika, paralisis sa mga institusyon, at pagkawala ng tiwala ng mamamayan.

“Ginoong Ispiker, hindi ako narito upang magtakda ng solusyon sa mga legal na suliraning ito. Ngunit buong paniniwala kong naninindigan na karapat-dapat ang sambayanang Pilipino sa isang Saligang Batas na malinaw at tiyak ang mga probisyon,” ani Puno.

Tinapos niya sa pagsasabing, “Bilang pinakamataas na batas ng bansa, dapat ang Konstitusyon ay nagsasalita nang malinaw at may puwersa; dapat ito’y nauunawaan hindi lamang ng mga hukuman at mambabatas kundi lalo na ng bawat mamamayang Pilipino na siyang pinoprotektahan nito.”