Abante

Cong. Benny Abante naniniwalang magpapatuloy parin ang pagtugis sa mga tiwali kahit binuwag na ang pcgg

Mar Rodriguez Sep 14, 2022
134 Views

BAGAMA’T binuwag na ang Presidential Commission on Good Government (PCGG). Naniniwala ang isang beteranong Metro Manila congressman na hindi parin dito natatapos ang kanilang tungkulin para habulin at tugisin ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Sinabi ni Manila 6th Dist. Cong. Bienvenido “Benny” Abante, Chairman ng House Committee on Human Rights, na sa kabila ng pagbuwag sa PCGG, mananatili pa rin aniya ang tungkulin nito sa pagtugis sa mga opisyal ng pamahalaan na nagsasamantala sa kanilang posisyon.

Ipinaliwanag ni Abante na ito’y sa pamamagitan ng mga ahensiya ng gobyerno na kahalintulad sa mandato ng PCGG o may kaparehong “function” na maghahabol sa mga opisyal ng pamahalaan na nagkamal ng mga “illegal wealth” o nakaw na yaman.

Ayon kay Abante, ang pagkakabuwag sa PCGG ay hindi naman kawalan para sa publiko sapagkat mapapatuloy parin ang paghahabol sa mga government officials na nagkaroon ng nakaw na yaman habang nasa puwesto para papanagutin sila sa batas.

Binigyang diin pa ng kongresista na walang dapat ikabahala ang mamamayan dahil hindi parin makaliligtas sa kamay ng batas ang tiwaling opisyal ng pamahalaan na nagkamal ng yaman sa illegal na pamamaran sa pamamagitan ng “graft and corruption”.

“We are abolishing the agency (PCGG) but we will be retaining its function. Government through other existing agencies will continue to go after plundered wealth, it will continue to seize assets via corruption it will continue to prosecute cases of corruption,” sabi ni Abante.