Martin1

Deliberasyon ng Committee on Appropriations para sa budget ng DTI tinapos na ngayong linggo — Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Sep 9, 2022
177 Views

INIHAYAG ng liderato ng Kamara de Representantes na tinapos na ng House committee on Appropriations ngayong linggo ang kanilang deliberasyon para sa panukalang budget ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga sangay nitong ahensiya.

Ito ang ipinabatid ni House Speaker Ferdinand “Martin” Gomez Romualdez na tinapos na ng nasabing Komite, na pinamumunuan ni AKO Bicol Party List Cong. Elizaldy “Zaldy” Co, ang kanilang deliberasyon para sa panukalang budget ng DTI para sa Fiscal year 2023.

Sinabi ni Romualdez na ang panukalang budget ng DTI na inilatag nila sa House Committee on Appropriations ay nagkakahalaga ng P19.998 bilyon kung saan ay siyam na porsiyentong mas mababa aniya kumpara sa kasalukuyan nitong budget.

Inilahad naman ni DTI Sec. Alfredo Pascual sa House Committee on Appropriations na ang mga prayoridad na nakapaloob sa kanilang panukalang budget para sa susunod na taon.

Ipinaliwanag pa ni Pascual na ang pangunahing tututukan ng kanilang ahensiya ay ang Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) upang mapanatili ang momentum ng paglago ng ekonomiya ng bansa na nilumpo bunsod ng COVID-19 pandemic.

POSTPONEMENT NG BARANGAY AT SK ELECTIONS AT SIM CARD REGISTRATION MAIPAPASA NG KONGRESO AT SENADO SA OKTUMBRE 1

Samantala, inihayag din ni House Majority Leader at Zamboanga City Lone Dist. Cong. Manuel Jose “Mannix” Dalipe na ninanais ng Kamara at Senado na maipasa sa “third and final Reading” ang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na katakda sana sa darating na Disyembre 2022.

Sinabi ni Dalipe na kabilang din sa mga ninanais ipasa ng dalawang Kapulungan ay ang panukalang pagre-rehistro ng lahat ng postpaid at prepaid SIM Card na ginagamit ng mga mobile phone subscribers na inaasahang maipapasa sa darating na Oktubre 1.

Nabatid kay Dalipe na nagkaroon ng pagpupulong ang Kongreso at Senado kamakailan upang pag-usapan ang kanilang “common legislative agenda” kabilang na ang plano ng dalawang Kapulungan na maipagpaliban ang Barangay at SK elections at ang pagpasa sa panukalang batas kaugnay registration ng SIM cards.