Suarez Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez

Di dumalo sa imbitasyon ng Kamara, 4 opisyal ni VP Sara pinatawan ng contempt, ipinapakulong

135 Views
Acop
Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop

PINATAWAN ng House committee on good government and public accountability ng contempt ang apat na opisyal ni Vice President Sara Duterte, matapos na muling hindi dumalo sa pagdinig noong Lunes kaugnay ng kinukuwestyong paggamit ng confidential fund.

Ipinag-utos ng komite ang pagkulong kina Lemuel Ortonio, assistant chief of staff at chairman ng bids and awards committee ng OVP; Gina Acosta, special disbursing officer (SDO); at mga dating assistant secretary ng Department of Education (DepEd) na sina Sunshine Charry Fajarda at asawa nitong si SDO Edward Fajarda, na lumipat sa OVP matapos magbitiw si Duterte bilang kalihim ng DepEd noong Hulyo.

Sa ikalimang pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, pinatawan ng contempt ang mga opisyal kasunod ng mosyon ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez, dahil sa kanilang hindi pagdalo sa pagdinig sa kabila ng mga summon.

Naglabas ang komite ng mga subpoena sa mga opisyal matapos nilang tumanggi sa mga paanyaya na dumalo sa mga pagdinig.

Kasunod ng paglabas ng contempt citation, inirekomenda ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, vice chair ng komite, na ikulong ang mga opisyal sa loob ng Kamara hanggang matapos ang imbestigasyon at maisumite ang ulat ng komite para sa plenary approval.

Samantala, apat naman sa opisyal ng OVP ang dumalo sa pagdinig noong Lunes, kabilang sina administrative and financial services director Rosalynne Sanchez, chief accountant Julieta Villadelrey, Budget Division chief Edelyn Rabago at chief administrative officer Kelvin Gerome Teñido.

Hindi naman pinatawan ng contempt si OVP undersecretary at chief of staff Zuleika Lopez at pinagbigyan ng isa pang pagkakataon para dumalo. Si Lopez ay umalis ng bansa patungo sa Amerika noong Nobyembre 4, isang araw bago ang kanyang nakaraang pagdinig ng komite.

Sa liham na isinumite ni Lopez, ipinaliwanag nitong nagtungo siya sa Estados Unidos upang samahan ang kanyang maysakit na tiyahin na nangangailangan ng intensive medical care, na bahagi ng kaniyang legal designation bilang caretaker.

Duda naman si Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez sa paliwanag ni Lopez, na aniya ay halatang pag-iwas sa pagdinig at hinimok ang komite na beripikahin ang kanyang pahayag.

“The testimony of Ms. Zuleika Lopez is crucial. If we allow her excuse, other resource persons might follow,” babala pa nito. “They can run, but they cannot hide anymore.”

Sa kabila nito, pinayagan ng komite ang mungkahi ni Acop na muling mag-isyu ng subpoena kay Lopez, bilang konsiderasyon na sinegundahan naman ni Suarez.

“We can accept Atty. Lopez’s letter, but only until our next hearing,” dagdag pa ni Suarez.

Tungkol naman sa apat na opisyal ng OVP na pinatawan ng contempt, sinabi ni Chua na hindi katanggap-tanggap ang kanilang mga paliwanag.

Sa mga liham na ipinadala sa komite, ipinaliwanag nina Ortonio, Acosta at ng mag-asawang Fajarda na hindi sila makadadalo dahil sa mga gawain ng OVP sa Caraga, Panay Island at Negros Island na nangangailangan ng kanilang personal na presensya, ayon sa kanilang mga opisyal na travel order.

Ayon kay Suarez, sapat na ang pagbibigay ng komite sa mga opisyal ng OVP.

“Let’s not forget, Mr. Chair, that these are public officials. It is their duty to appear and explain how the funds in question were spent,” giit pa nito.

Nakatuon ang imbestigasyon ng komite ukol sa pamamahala ng P612.5 milyong pondong confidential funds na inilaan sa OVP at DepEd.

Kabilang sa mga alegasyon ang maling paggamit ng OVP ng P500 milyong confidential fund at karagdagang P125 milyon ng DepEd sa ilalim ng pamamahala ni Duterte bilang kalihim ng tanggapan.

Una ng pinuna ng Commission on Audit (COA) ang halos kalahati ng kabuuang pondo at disallowed fund na nagkakahalaga ng P73 milyon na ginastos ng OVP sa loob ng 11 araw sa huling bahagi ng 2022.

Sa kabila ng nakaraang apat na pagdinig, walang opisyal ng OVP ang dumalo, na nagdulot ng higit pang pagdududa kung paano ginastos ang confidential funds.

Pinag-aralan ng komite ang mga dokumento mula sa COA, Department of Budget and Management, DepEd at iba pang mga ahensya, habang ang mga resource person ay nagbigay ng kanilang mga pananaw ukol sa paggamit ng pondo.

Ayon kay Chua, nakakaalarma ang naging paggasta ng tanggapan lalo na sa paggamit ng OVP ng pondo para sa medical at food aid, dahil sa mga kaduda-dudang acknowledgment receipts.

Pinasinungalingan din ng mga miyembro ng Philippine Army ang pahayag ng DepEd na ang mga confidential fund ay ginamit para sa Youth Leadership Summits.

Pinaninindigan naman ng OVP na ang kanilang mga paliwanag ay nasa mga dokumentong isinumite sa COA.

Subalit sinabi ni Chua na hindi sapat ang dokumentasyong ito, lalo na’t kuwestyunable rin ang kredibilidad sa mismong dokumento na isinumite.

“There are questions that the documents themselves can’t answer. This is why we need the presence of these officers. Sila lang po ang makakasagot sa mga katanungan natin,” giit pa Chua.