Garin Iloilo Rep. Janette Garin

Di pagkakasundo ng polisiya ng DOH, PhilHealth nagdulot ng paghihirap sa mga milyong miyembro

25 Views
Ledesma
PhilHealth President Emmanuel Ledesma

INAMIN ni Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) President Emmanuel Ledesma na ang pagkakaiba ng mga polisiya ng Department of Health (DOH) at PhilHealth ay nagresulta sa hindi kinakailangang paghihirap ng milyong miyembro ng state insurer.

Ginawa ni Ledesma ang pag-amin sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability noong Miyerkules, kung saan sinilip ng mga mambabatas ang mga isyu ng duplication, inefficiency at hindi nagamit na pondo na ibinigay ng gobyerno sa PhilHealth.

Sa pagdinig, sinilip ni Iloilo Rep. Janette Garin ang matagal na umanong problema sa koordinasyon ng DOH at PhilHealth, upang epektibong matugunan ang kakulangan ng pondo para sa healthcare.

“In other words, hindi kaya ng PhilHealth na lahat ng problema sa kalusugan ay siyang sumalo. Hindi rin naman kaya ng DOH na ‘yung mga gastusin sa loob ng ospital ay sa DOH,” sabi ni Garin, na dating kalihim ng DOH.

Inamin ni Ledesma na mayroong mga overlap sa trabaho ng DOH at PhilHealth at dapat umanong matugunan ang mga ito upang mas mapaganda ang inihahatid nilang serbisyo.

Sumang-ayon din si Ledesma sa pagsasagawa ng internal review sa mga nangyari upang mas mapag-aralan ang mga isyung dapat na tugunan.

Binigyang-diin ni Garin ang kahalagahan na matukoy ang hangganan ng mga trabaho ng dalawang ahensya upang maiwasan ang duplication at delay sa paggampan dito.

“DOH is for promotive and preventive healthcare, while PhilHealth should focus on curative healthcare and catastrophic illnesses,” sabi pa ni Garin.

Tinukoy ni Garin ang pagbili ng mga medical supply na isa sa mga overlapping na trabaho ng dalawang ahensya.

“Ang binibili ng DOH hindi dapat nire-refund ng PhilHealth. Ang packages ng PhilHealth ay hindi nagdodoble sa packages ng DOH,” sabi ng DOH.

Sinabi naman ni PhilHealth Vice President Lemuel Untalan na patuloy na nililinis ng PhilHealth ang listahan nito upang mahanap ang mga naulit na pangalan at maalis ang mga hindi kuwalipikadong benepisyaryo.

“Tama po kayo,” sabi ni Untalan nang tanungin kung nagsasagawa ng update ang ahensya sa listahan nito upang hindi na mabayaran ang premium ng mga indibidwal na hindi na kuwalipikado.

Kinuwestyon din ni Garin ang legalidad ng mga ginawa ng PhilHealth gaya ng retroactive enrollment ng mga senior citizen bago ang opisyal na implementasyon ng Universal Health Care law.

“My question, Mr. Chair, is that legal or illegal? Pwede ka bang i-enroll three times sa senior?” tanong nito.

Hindi naman nakapagbigay ng direktang sagot ang PhilHealth, at sinabi ni Ledesma na kailangan nilang repasuhin ang mga dokumento na ginawa ilang taon na ang nakakaraan.

Iginiit din sa pagdinig ang pangangailangan na ma-update ng regular ang listahan ng mga mahihirap na miyembro nito.

Ipinaliwanag ni Untalan na ang listahan na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng National Household Targeting System (NHTS) ay naa-update lamang kada apat na taon.

Ipinunto ni Garin na dahil hindi updated ang listahan ay hindi tuwirang nagagamit ang mga inilaang pondo na para sa pagpaparami ng mga benepisyo at pagbabawas ng ibinabayad na premium.

Inamin ni Ledesma na dapat repasuhin ang mga polisiya ng DOH at PhilHealth na hindi magkatugma at nangako ito na magbibigay ng detalyadong ulat sa Kongreso kung papaano nagamit ang mga pondong inilaan sa mga nagdaang taon.

Tiniyak naman ni ASec. Albert Domingo ng DOH na mayroong mga ginagawang hakbang upang mapaganda ang koordinasyon sa pagitan ng dalawang ahensya.

Nagpahayag din ng pangamba ang mga mambabatas sa pagtaas umano ng bayarin sa ospital ng pasyenteng miyembro ng PhilHealth, na sinabi ni Garin na isang isyu na matagal ng nangyayari.

“Kapag PhilHealth ang magbabayad, biglang tumataas ang presyo ng mga gamot at laboratory tests,” sabi ni Garin.

Kinilala naman ni Dr. Israel Francis Pargas ng PhilHealth ang problemang ito at sinabi na binabantayan ng kanilang legal at investigative teams ang maling gawaing ito ng mga ospital.