Dy1

Diwa ng mapayapang kooperasyon panatilihing buhay–Speaker Dy sa mambabatas ng ASEAN

Mar Rodriguez Nov 21, 2026
97 Views

NANANAWAGAN si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga mambabatas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na panatilihing buhay ang diwa ng mapayapang kooperasyon sa pamamagitan ng mas aktibong pakikipag-ugnayan ng kani-kanilang mga parlamento.

Binigyang-diin ni Dy ang kahalagahan ng patuloy na pag-uusap at pagpapalitan ng pananaw ng mga mambabatas sa pagbubukas niya ng 47th General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA).

Mahalagang mapanatili ang pagkakaibigan at pagtutulungan ng mga bansa, lalo na ngayong 50 taon na ang nakalipas mula nang lagdaan ng mga lider ng ASEAN ang Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia sa Bali, Indonesia.

“Bilang mga mambabatas, tayo ang mga tagapag-ingat ng pagkakaisang ito. Pinananatili natin itong buhay sa tuwing nakikipag-ugnayan tayo sa ating mga katapat sa ibang bansa, at sa tuwing nagkakaroon man tayo ng hindi pagkakasundo sa kapulungang ito ay nagkakahiwalay pa rin tayong magkakaibigan,” pahayag ni Speaker Dy.

Noong Miyerkules unang nakipagpulong ang Speaker sa delegasyon ng Vietnam na pinamunuan ni National Assembly President Tran Thanh Man.

Noong Huwebes, nakipagpulong siya sa mga delegasyon ng Singapore, Cambodia at Lao People’s Democratic Republic (Lao PDR).

Kasama ni Speaker Dy sa lahat ng apat na bilateral meetings sina Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez at Deputy Speaker Raymond Democrito C. Mendoza.

Sa pakikipagpulong kay Singapore Parliament Speaker Seah Kian Peng, tinalakay ang pagpapalakas ng bilateral relations at ugnayan ng dalawang lehislatura.

Nakipagpulong din si Dy kay Cambodian National Assembly President Khuon Sudary upang talakayin ang pagpapalalim ng pagkakaibigan at kooperasyon sa pagitan ng dalawang kapulungan.

Sa kanyang pakikipagpulong kay Lao PDR National Assembly President Sonexay Siphandone, nagpalitan sila ng pananaw hinggil sa mga usaping kapwa mahalaga sa kanilang mga bansa at tinalakay ang posibilidad ng mas malawak na pagtutulungan sa mga panrehiyon at pandaigdigang parliamentary forum.

Kasama sa delegasyon ng Laos ang mga opisyal mula sa kanilang Foreign Affairs Committee, National Assembly at iba pang mahahalagang komite ng pamahalaan.

Binigyang-diin ng mga pagpupulong ang kahalagahan ng matatag na ugnayan ng mga lehislatura sa ASEAN upang mapalawak ang kooperasyon, mapanatili ang kapayapaan at matugunan ang mga magkakatulad na hamon sa rehiyon.