Diwata

Diwata emosyonal matapos makulong

214 Views

HUMIHINGI ng tulong ang online personality na si Diwata matapos umano siyang maaresto at makulong dahil sa isang kasong may kinalaman sa kanyang negosyo.

Sa isang emosyonal na pahayag, ibinahagi niya na nakulong siya ng halos 24 oras matapos arestuhin bandang alas-6 ng gabi matapos makatanggap umano ng warrant.

Dagdag niya, ang reklamo raw ay may kinalaman sa “non-compliance” sa kanyang negosyo na paresan.

Aniya, kung may pagkukulang man, maaari naman sanang ayusin ito at hindi agad humantong sa pagkakakulong.

Upang pansamantalang makalaya, nagbayad umano siya ng ₱60,000 na piyansa. Inilarawan niya ang matinding stress at hirap na kanyang pinagdaanan, lalo’t ayon sa kanya, maliit lamang ang kinikita niya sa kanyang hanapbuhay at minsan pa’y kulang pa ito para sa pang-araw-araw na gastusin.

Sinabi niyang kasalukuyan pa ring nasa korte ang kaso at may nakatakda pa siyang pagdinig.

Sa ngayon, umaasa si Diwata na mabibigyan siya ng tamang gabay at tulong upang maayos ang kanyang kinakaharap na usaping legal.