Chua Manila 3rd District Rep. Joel Chua

DOJ hinimok maglabas ng lookout bulletin laban sa 7 opisyal ni VP Sara na sabit sa confidential fund issue

168 Views

HINIMOK ng House committee on good government and public accountability ang Department of Justice (DOJ) na maglabas ng lookout bulletin order laban sa pitong opisyal ng Office of the Vice President (OVP) kaugnay ng imbestigasyon sa maling paggamit ng confidential funds noong 2022 at 2023.

Ginawa ng chairman ng komite na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang mungkahi kasunod ng inilabas na subpoena upang pilitin ang mga opisyal na humarap at magbigay ng testimonya matapos na hindi sumipot sa mga naunang pagdinig.

Kabilang sa mga opisyal na tinukoy ay sina OVP Chief of Staff Zuleika Lopez; Assistant Chief of Staff at Chair ng Bids and Awards Committee na si Lemuel Ortonio; Direktor ng Administrative at Financial Services na si Rosalynne Sanchez; Special Disbursing Officer (SDO) na si Gina Acosta; at Chief Accountant na si Juleita Villadelrey.

Kabilang din sa mga ipinatatawag ng komite sina dating Assistant Secretary ng Department of Education (DepEd) na si Sunshine Charry Fajarda at SDO Edward Fajarda, na ayon sa mga ulat ay nasa tanggapan na rin ng OVP.

Ang mag-asawang Fajarda ay mga katiwala ni VP Duterte noong siya ay nagsilbi bilang kalihim ng DepEd mula Hulyo 2022 hanggang sa kanyang pagbibitiw noong Hulyo 2024.

Sa kanyang pinakahuling liham kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, sinabi ni Chua na ang mga testimonya ng mga opisyal ng OVP ay mahalaga sa imbestigasyon at sa pagtitiyak ng pananagutan sa mga pondo ng publiko.

Binanggit ni Chua na nakatanggap ang kanyang komite ng impormasyon na ang mga nabanggit na indibidwal ay posibleng lumabas ng bansa.

“Considering these developments, I earnestly request your office to issue a Lookout Bulletin Order against these personalities,” saad pa ni Chua sa kanyang liham kay Remulla.

“This action is imperative to monitor their movements and prevent any potential attempt to flee the country, which could significantly hinder our investigation and broader efforts to uphold the integrity of public service,” dagdag pa ng mambabatas.

Nag-ugat ang imbestigasyon ng komite ni Chua sa isang privilege speech ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, na nag-akusa kay Duterte ng maling pamamahala ng pondo ng OVP, batay sa pagsusuring ginawa ng Commission on Audit (COA).

Sa ulat ng COA, sinita nito ang paggastos sa P73 milyong pondo mula sa P125 milyong halaga ng confidential funds sa ilalim ng OVP noong 2022.

Ikinabahala rin ng mga kongresista ang ulat ng COA na naubos ang P125 milyong confidential fund sa loob lamang ng 11 araw o mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022 o P11 milyon bawat araw.

Sa Notice of Disallowance, sina Duterte, Acosta at Villadelrey ay tinukoy bilang mga “accountable officials” na siyang magbabalik ng pondo kapag tuluyang hindi naipaliwanag ng tama ang ginawang paggastos sa kinukuwestyong P73 milyon ng COA.

Hindi sumipot ang pitong opisyal mula nang simulan ng komite ang pagdinig.

Pinalawig ng komite ni Chua ang kanilang imbestigasyon at isinama ang iregularidad sa paggamit ng confidential fund ng DepEd sa panahon na pinamumunuan ito ni Duterte.

Kabilang sa ikinababahala ng mga mambabatas ang ginawang paggastos sa P112.5 milyong confidential fund ng DepEd noong 2023 na hindi pa umano malinaw ang pinagkagastusan.

Kabilang sa mga kinukwestyong pondo ay inilabas sa bangko gamit ang tatlong magkahiwalay na tseke, bawat isa ay nagkakahalaga ng P37.5 milyon, na inisyu kay dating DepEd SDO Edward Fajarda.

Ang mga cash advance na ito ay ginawa sa unang tatlong quarter ng 2023 habang si Duterte ang kalihim sa tanggapan.

Si Sunshine Charry, asawa ni Edward Fajarda, ay nabanggit din sa nakaraang testimonya ni dating DepEd Undersecretary Gloria Jumamil Mercado.

Ayon kay Mercado, siya ay binibigyan ng envelope na may lamang P50,000 buwan-buwan noong siya ang head of Procuring Entity (HoPE) ng DepEd mula Pebrero hanggang Setyembre 2023. Ang pera ay ibinibigay umano ni Assistant Secretary Fajarda at mula kay VP Duterte.

Sa pinakahuling pagdinig ng komite, itinanggi nina retired Maj. Gen. Adonis Bajao, Lt. Col. Carlos Sangdaan Jr., at Colonels Manaros Boransing at Magtangol Panopio ang pagtanggap ng P15 milyong pondo mula sa mga confidential funds ng DepEd bilang pambayad ng mga impormante.

Nag-isyu ang mga opisyal ng militar ng mga certification para sa mga isinagawang Youth Leadership Summit, isang regular na programa laban sa insurgency na pinangasiwaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong 2023.

Subalit ginamit umano ng DepEd ang mga sertipikasyong ito upang bigyang-katwiran ang paggastos nito ng P15 milyon na sinabi nitong ipinambayad sa mga impormante.

Ipinagtataka rin ng mga mambabatas ang paggamit ng OVP ng P16 milyon sa mga confidential funds sa pag-upa ng 34 na safe houses sa loob lamang ng 11 araw sa huling bahagi ng 2022.

Ang ilan sa mga safe house ay umabot sa halos P91,000 bawat araw — mas mahal pa kumpara sa mga high-end resort tulad ng Shangri-La Boracay.

Kinwestyon ni Chua kung ang mga safe house ba ay nasa mga marangyang lugar, at ipinunto na kahit na sa Bonifacio Global City ang upa ay nasa P90,000 lamang kada buwan, malayong-malayo sa P91,000 kada araw na renta ng OVP sa mga safe house.

Batay sa isinumiteng rekord ng OVP sa COA, nagbayad ito ng P250,000 hanggang P1 milyon para sa renta ng mga safe house mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.

Ang mga inupahang ito, na nakadetalye sa liquidation report ng OVP sa COA, ay bahagi ng P125 milyon mula sa CIF na ginastos sa loob lamang ng 11 araw.