DOTr: Common station mapakikinabangan na ng mga komyuter sa ’28

Jun I Legaspi Jul 30, 2026
34 Views

TITIYAKIN ng Department of Transportation (DOTr) na mapakikinabangan na ng mga komyuter ang bahagi ng common station ng metro rail transit (MRT)-3, Light Rail Transit at MRT 7 sa unang quarter ng 2028 bilang tugon sa utos ng Pangulo na gawing mas maayos, kumbinyente at maginhawa ang biyahe ng mga pasahero.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, kamakailan lang nang aprubahan ng Economy and Development (ED) Council ang variation order ng proyekto kaya’t sisikapin ng DOTr na habulin ang interim operations nito sa unang quarter ng 2028.

“Kaka-approve lang po. Ang nangyari po kasi dito, we terminated the contract and nung na-terminate po natin ‘yan, nakipag-usap tayo sa LRMC (Light Rail Manila Corporation) if they can continue the project by way of variation order.

Since it’s a variation order, susunod tayo sa proseso ng gobyerno, at kamakailan lang po, the ED Council, they approved the project itself. So, masisimulan na natin ‘yan kasi habulin natin at least the partial operations po ng May or first quarter of 2028,” paliwanag ni Sec. Lopez.

Gumawa na rin ng paraan ang DOTr para habang hindi pa nakukumpleto ang buong konstruksyon ng common station ay hindi mahihirapan ang mga komyuter sa paglipat ng mga tren na sasakyan.

Nakausap na ng DOTr ang pamunuan ng Trinoma at nangako silang magbibigay ng access way patungo sa MRT-3 para may masilungan at maiwasang maglakad pa ang mga komyuter sa ilalim ng araw o maulanan.

“Ang gagawin po namin ngayon is to ensure na ‘pag natapos na po ‘yung North Avenue, MRT-7, at functional na po ‘yan, magagamit ng ating mga commuters ‘yung concourse at platform,” ayon kay Sec. Lopez.

Siniguro ng kalihim na mas magiging maginhawa ang biyahe ng mga pasahero sa oras na makumpleto ang buong common station sa 2030.

Layunin ng proyekto na mapadali ang paglipat ng mga pasahero sa pagitan ng LRT-1, MRT-3, MRT-7 at sa hinaharap ay maging konektado rin sa Metro Manila Subway.