Calendar
DPWH sinuri pinsala ni Enteng sa N. Ecija
LUNGSOD NG CABANATUAN–Sinusuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Nueva Ecija 2nd District Engineering Office (DEO) ang laki ng pinsala ng bagyong Enteng sa mga pampublikong istruktura.
Ayon kay District Engineer Elpidio Trinidad at Assistant District Engineer Robert Jay Panaligan, kritikal ang papel ng lebel ng tubig sa Cabu Creek sa Cabanatuan City at Pampanga River sa Laur upang matukoy kung tumataas.
Ininspeksyon din ang Baong Spillway detour sa Brgy. Labi, Bongabon, na na-wash out dahil sa bagyo.
Mahalaga ang detour para mapanatili ang lansangan sakop ng Nueva Ecija-Aurora Road dahil sa itinatayong bagong tulay na nagkakahalaga ng P29 milyon sa lugar.
Iniulat ni Panaligan na may maintenance workers na idineploy upang linisin ang mga bumagsak na debris mula sa isang rock slide sa Bongabon section ng Nueva Ecija-Aurora Road matapos magkaroon muli ng rock slide sa lugar.
“Ang hindi inaasahang pangalawang rock slide hindi lamang naglagay sa panganib sa ating mga tauhan kundi ipinapakita dito ang mapanghamong kondisyon na kanilang kinakaharap habang ginagawa nila ang kanilang trabaho na mapagana muli ang kalsada para sa kaligtasan ng motorista,” sabi ni Panaligan.