Tsuper

Driver nasagi habang naglalakad ng tax driver, nanaksak ng screwdriver

16 Views

ARESTADO ang 45-anyos na taxi driver matapos umano nitong saksakin ng screwdriver ang kapwa niya tsuper na nakasagi sa Novaliches, Quezon City, nitong Lunes ng hapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), minamaneho ng biktima ang kanyang taxi dakong alas-5:30 ng hapon sa kahabaan ng Gen. Luis Street, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City nang bahagyang masagi ang suspek na naglalakad sa kalsada.

Huminto ang biktima upang makipag-usap, ngunit nang ibaba nito ang bintana ng sasakyan, bigla umano siyang inundayan ng dalawang saksak sa kaliwang dibdib gamit ang screwdriver ng suspek na hinihinalang nakainom.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng District Mobile Force Battalion (DMFB) na nagsasagawa ng police visibility sa lugar kaya naaresto ang suspek at narekober ang tinatayang 12-pulgadang screwdriver na ginamit sa pananaksak.

Isinugod sa East Avenue Medical Center ang biktima habang nahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio ang mabilis na aksiyon ng mga pulis at muling pinaalalahanan ang mga motorista na pairalin ang disiplina, kalmado at pagbibigayan sa kalsada.