Suspek Ang dalawang suspek na natimbog ng Gapan City police sa pamumuno ni Lt. Col. Wilmar Binag sa hiwalay na buy-bust operations nitong Martes. Kuha ni STEVE A. GOSUICO

Driver ng trak, dating OFW huli sa Ecija buy-bust; P.3M shabu nakuha

Steve A. Gosuico Jun 26, 2024
119 Views

GAPAN CITY – Kalaboso ang isang truck driver at dating Overseas Filipino Worker (OFW) sa magkahiwalay na buy-bust operations na nagresulta sa pagkakasamsam ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P357,952 nitong Martes dito.

Sa ulat kay Nueva Ecija top cop Col. Richard V. Caballero, sinabi ni city police head Lt. Col. Wilmar M. Binag na natimbog ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na operasyon sa Bgy. Bayanihan alas-5:35 ng umaga at sa Bgy. Sto.Niño dakong 11:35 p.m. sa lungsod na ito.

Kinilala ni Binag ang naarestong unang suspek na isang 40-anyos na truck driver, high school undergraduate, naninirahan sa Purok 1, Bgy. Rajal Norte, Santa Rosa, Nueva Ecija.

Nakuha sa suspek ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng dalawang gramo at nagkakahalaga ng P13,600.

Kinilala ang ikalawang suspek na isang 49-anyos na dating OFW, college graduate, ng Libis Drive, Bgy. San Nicolas, ng lungsod na ito,

Nasamsam mula sa kanya ang limang plastic sachet na may lamang shabu na may timbang na 50.64 gramo at market value na P344,352.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 para sa inquest-filing laban sa mga naarestong suspek sa tanggapan ng city prosecutor dito.

“Nananatiling matatag ang Gapan City Police sa kanilang misyon na puksain ang lahat ng ilegal na aktibidad. Patuloy tayong magsasagawa ng mga kampanya laban sa mga kriminal upang pangalagaan ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa siyudad,” ani Binag.