Parcel

Drug suspek nasilo sa package na may P480K Kush

Edd Reyes Jan 19, 2026
200 Views

TIMBOG ang lalaking kukuha ng parcel pero natuklasang naglalaman ng Kush na nagkakahalagang P480,000, sa Pasay City noong Biyernes.

Sa ulat ng Public Information Office ng Philippine National Police Aviation Security Group (Avsegroup), inaresto ang suspek nang tangkaing kunin ang parcel na naglalaman ng 320 gramo ng Kush na nagkakahalagang P480,000 at 8.8 milliliters ng liquid marijuana.

Ayon kay Avsegroup Director P/BGen. Dionisio Bartolome Jr., unang minarkahan ng Bureau of Customs (BOC) ang pakete dahil sa kahina-hinalang laman sa routine screening.

Sumunod ang mano-manong pagbukas sa harap ng suspek kung kailan nakumpirmang droga ang laman ng package.

Matapos matuklasan ang ilegal na droga na laman ng pakete, inaresto ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang suspek.

“Anyone who attempts to smuggle illegal drugs through our airports will face the full force of the law. The Task Group remains fully committed to stopping illegal drugs and protecting the public, as mandated,” pahayag ni Bartolome.