Gatchalian DSWD Secretary Rex Gatchalian

DSWD: Hindi pork barrel ang AKAP

11 Views

IPINAGTANGGOL ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), ang tulong para sa mga mayroong trabaho pero kulang ang kinikita.

Iginiit ni Gatchalian na hindi pork barrel ang AKAP at hindi ang mga opisyal ng barangay ang responsable sa paggawa ng listahan ng mga benepisyaryo ng programa.

“Let me reiterate that all the DSWD’s Field Offices across the country serve people in need, whether they are walk-in clients or were referred to by local government unit (LGU) officials. DSWD social workers process applications for AKAP and they determine the amount of aid to qualified beneficiaries,” ani Gatchalian.

Ginawa ni Gatchalian ang pahayag bilang tugon sa sinabi ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na ang AKAP ay kahalintulad ng kontrobersyal na pork barrel at ang mga opisyal ng barangay ang pumipili at nagsusumite ng listahan ng mga bibigyan ng tulong.

Giit pa ng kalihim, wala sa panuntunan ng AKAP ang nagbibigay ng kapangyarihan sa mga opisyal ng barangay na gumawa ng listahan ng mga benepisyaryong tatanggap ng ayuda mula sa ahensya.

“With due respect to the former Supreme Court Justice, AKAP is not pork barrel since any good Samaritan can refer potential beneficiaries and the barangay has nothing to do with AKAP based on our existing guidelines,” ayon pa kay Gatchalian.

Paliwanag pa ng kalihim, maaaring magrekomenda ang mga mambabatas at lokal na opisyal ng mga maaaring mabigyan ng ayuda, subalit ang mga social worker ng DSWD ang may responsibilidad sa pagsusuri ng mga benepisyaryo upang matiyak na sila ay kwalipikado batay sa mga panuntunan ng AKAP.

“The original intention of the AKAP program is to protect the minimum wage earners and near-poor Filipinos from the effects of inflation that erode their buying power. It is intended to provide a menu of assistance for goods and services that are affected by high inflation depending on the needs of the individuals,” dagdag pa ni Gatchalian.

Sa 2024 General Appropriations Act, partikular ang Special Provision No. 3 ng budget ng DSWD, ay naglaan ng pondo para sa AKAP na nagkakahalaga ng P26.7 bilyon.

Ang pondong ito ay magsisilbing financial assistance para sa mga minimum wage earners na kabilang sa mababang kita at labis na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Tinatayang nasa limang milyong Pilipino na kabilang sa kategoryang “near poor” ang naging benepisyaryo ng AKAP sa unang taon ng implementasyon nito mula Enero hanggang Disyembre 26 ng kasalukuyang taon.