Calendar
DSWD tukoy na nagpakalat ng pekeng balita sa halaga ng food packs
TUKOY na pala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nagpakalat ng fake news kaugnay sa halaga ng laman ng ipinamamahaging Family Food Packs (FFP) sa mga biktima ng kalamidad.
Kumalat kasi sa social media ang post ng isang netizen na nagsasabing aabot daw sa P1,800 ang budget ng DSWD para sa FFP gayung kung kukuwentahin ang laman nito ay aabot lang sa P628.00 na parang gustong palabasin na ibinulsa ang malaking halaga ng budget ng bawat isang kahon.
Siyempre, maraming mga biktima ng kalamidad ang nagpuputok ang butse dahil naniwala sila sa kumalat na fake news ng hindi na sinuri at inalam kung ito ay may katotohanan lalu na’t may kalakip pang kuwentada sa bawat presyo ng laman ng food packs.
Inisa-isa kasi ng netizen sa kanyang pagkukuwenta ang halaga ng bawa’t laman ng food packs kabilang ang anim na kilong bigas, apat na de lata ng corned beef, apat na de lata ng tuna flakes, dalawang de latang sardinas, limang sachet ng kape at limang sachet ng chocomalt powder na pawang mga hindi naman imported o mamahaling brand.
Kaya lang, ang tanong ay kung saan kinuha ng netizen ang P1,800 na halaga ng laman ng food packs gayung sa pahayag ni DSWD Rex Gatchalian, ang Approve Budget for the Contract (ABC) o yung pinamakataas na budget na inilaan sa bidding ay P1,503,84.
Ibig sabihin, hindi na puwedeng lumagpas dito ang mga bidder at hindi nangangahulugan na ito na talaga ang dapat na halaga ng laman ng ipamamahaging food packs.
Sa mga lumahok sa bidding, ang 2Go Global International Corporation ang nakapag-alok ng pinakamababang presyo na P797.80, kada food packs, kasama na rito ang packaging at delivery kaya kung tutuusin, nakatipid pa nga ang gobyerno dahil sa taas ngayon ng produktong petrolyo.
Kung nagpuputok ang butse ng mga benepisyaryong naniwala sa fake news, nagpupuyos naman sa galit si Secretary Gatchalian kaya tiniyak niya na pananagutin nila ang may kagagawan ng pagpapakalat ng pekeng balita.
Natukoy na kasi nila, sa tulong ng Cybercrime Unit, kung sino ang nag-post ng fake news na isa pa namang propesyunal kayat ina-aksyunan na ito ng legal team ng DSWD, kasama na rito ang hiling sa Philippine Regulation Commission (PRC) na pagbawi sa kanyang lisensiya pati na sa pakikipag-ugnayan sa kanyang employer.
Paktay, yan ang napapala ng mga nagpapakalat ng fake news, kaya moral lesson, “esep-esep” muna bago mag-post.
Mga kawatan ng kable at piyesa ng mga pumping stations, bilang na araw ninyo
NGAYON malalaman kung gaano kahusay at kagaling ang kapulisan sa pagtugis sa mga kawatan dahil mismong si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ang nag-utos na dakpin at panagutin ang mga may kagagawan sa pagnanakaw ng mga kable at piyesa ng mga pumping stations.
Tiyak na magdodoble-kayod ngayon ang pulisya sa paghahanap sa mga magnanakaw lalu na’t ayon sa Malacanang ay buhay at kabuhayan ng tao ang inilagay nila sa panganib.
Naging talamak na kasi ngayon ang nakawan ng mga kable, hindi lang sa mga pumping stations, kundi ng mga kable ng internet, dahil mataas na ang benta ngayon ng tanso sa mga junkshop.
Nasa pagitan na kasi ng P450.00 hanggang P700 ang kada kilo ng pulang tanso habang mula P250 hanggang P400 ang dilaw na tanso.
Pero sapat ba ang ganitong halagang kikitain ng mga kawatan kung ikukumpara sa delubyong ihahatid ng malalalim na pagbaha dahil nasira ang mga pumping stations. Hindi kaya nakakaranas ng baha ang mga kawatan kaya wala silang pakialam sa maraming kababayan?
Ang sarap pagko-konyatan sa ulo ng mga ito kapag naaresto. Ewan ko lang kapag sinunog na kaluluwa ninyo sa impiyerno.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
