Edd Reyes

Maynilad di lamang ang may sala sa mababang kalidad ng tubig sa Munti

Edd Reyes Sep 9, 2026
207 Views

BATID pala ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon na hindi lamang ang Maynilad ang may sala sa hindi magandang kalidad ng supply ng tubig sa kanilang lungsod.

Inihayag ito ng alkalde nang mag-courtesy call sa kanyang tanggapan ang mga bagong halal na opisyal ng Southern Metro Manila Press Club (SMMPC) noong nakaraang Linggo matapos ang ginawang pagpapataw ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Maynilad ng multang P54.28 millyon na katumbas ng P328 rebate kada apektado nilang customer noong buwan ng Abril.

Ayon kay Biazon, may malaking responsibilidad din ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa hindi magandang kalidad ng supply ng tubig sa kanilang lungsod dahil sa lawa ng Laguna kumukuha ng tubig ang Maynilad para i-supply sa mga residente.

May pinaghuhugutan naman talaga ang paniniwala ni Mayor Biazon dahil batay sa report ng Commission on Audit (COA) noong nakaraang taon, hindi umano naipatigil ng LLDA ang patuloy na reclamation, pagtatambak ng lupa, at ang hindi awtorisadong pagtatayo ng mga istraktura sa mga ipinagbabawal na lugar sa Laguna Lake.

Ilan lang dito ang pagtatambak ng lupa sa lawa sa Taytay Rizal, San Roque Reclamation Project sa San Pedro Laguna, at ang Laguna Lake Highway Extension Project sa Taguig City na pawang hindi umano kumuha ng clearance sa LLDA at hindi rin kaagad natuklasan ng ahensiya dahil sa kakulangan ng regular na inspeksiyon at monitoring.

Sabi pa ng alkalde, sa ngayon ay sa Laguna Lake lang itinatapon ng mga nakapaligid na bayan at lungsod ang kanilang mga dumi habang sila sa Muntinlupa ay nagpatayo ng sariling sewerage treatment plant.

Bukod pa rito, marami aniyang mga informal settlers sa gilid ng lawa na direktang nagtatapon din ng kanilang dumi na labis na nakakapagpababa sa kalidad ng tubig na dapat aksiyunan ng LLDA.

Ito rin ang isa sa dahilan kaya’t ini-upgade pa ng Maynilad ang dalawa nilang itinayong water treatment sa Brgy. Putatan, bukod pa sa una nilang treatment plant sa Barangay Poblacion.

Sabi pa ni Biazon, kung tutuusin ay malaki ang pondo ng LLDA para magampanan ng husto ang kanilang tungkulin dahil maraming mga negosyo, na ang iba ay umaabot pa nga hanggang Quezon City, ang nagbabayad sa LLDA kapag ang kanilang water sewerage ay sa Laguna Lake dumidiretso.

Ang LLDA nga pala ay nasa ilalim ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

PCSO General Manager Mel Robles, nahalal na vice chair ng APLA

ISANG maalab na pagbati kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades A. Robles sa kanyang pagkakahalal bilang kauna-unahang Filipino na maging vice chairman ng Asia Pacific Lottery Association (APLA) sa idinaos na General Assembly sa Seoul, South Korea kamakailan.

Bago rito, si GM Robles din ang unang Filipino na nahalal na miyembro ng APLA Executive Committee sa ginanap na Regional Conference noong 2024 sa Hanoi, Vietnam.

Magmula ng pamunuan ni Robles ang PCSO, umabante sa Level 3 mula sa Level 1 accreditation ang PCSO sa World Lottery Association’s Responsible Gaming Framework sa loob ng tatlong taon.

Ang pagkakahalal kay GM Robles ang magbibigay sa PCSO ng mas malakas na tinig sa talakayan na may kaugnayan sa responsableng pagsusugal, makabagong teknolohiya, seguridad sa larong loto, integridad ng industirya at paggamit ng kita ng loterya para sa kapakinabangan ng publiko.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com