Eala nakabawi, umabanta sa quarterfinals

325 Views

UMATRAS man sa unang set, nagawang bumawi ng Filipina na si Alexandra Eala laban kay Aliaksandra Sasnovich, 2-6, 6-4, 7-6 (5), noong Miyerkules ng gabi (Huwebes ng umaga sa Maynila) upang umabante sa quarterfinals ng WTA 500 Abu Dhabi Open na ginanap sa Zayed Sports City International Tennis Centre sa United Arab Emirates.

Si Eala, na kasalukuyang World No. 45, ay nagsagawa ng malaking comeback mula sa pagkakaiwan na 0-4 sa ikatlong set, na nagpatayo sa karamihang Filipinong manonood matapos maabot ang match point sa iskor na 6-5.

Naitulak ni Sasnovich ang laban sa tie-break, ngunit dahil sa ilang pagkakamali ng kalaban, nagawang tapusin ni Eala ang isang makasaysayang pagbabalik-panalo matapos ang halos tatlong oras na laban, ikinatuwa ng kanyang mga tagasuportang Pilipino.

“Ako ay sobrang saya. Hindi ako makapaniwala,” ani Eala sa kanyang on-court interview, bago niya kinilala ang mga manonood.

“Grabe! Napasubok talaga yung tibay ng dibdib ko at sigurado ako na kayo din kaya congrats mga kababayan. Maraming salamat po.”

Susunod na makakaharap ng Filipina tennis star ang No. 2 seed na si Ekaterina Alexandrova ng Russia, na nagwagi laban kay Dayana Yastremska ng Ukraine, 6-3, 6-0, upang makapasok din sa quarterfinals.

“Ang mga sandaling ito ay mga sandaling pinapangarap ko lang noon. Nakakabaliw ang mapuno ang mga stadium, at ang makasali sa ganitong mga laban ay talagang mga karanasang tumatatak sa’yo. Marami na akong naranasan na ganito nitong nakaraang taon kaya sobrang saya ko sa panalong ito,” dagdag ni Eala.

Umakyat din si Eala sa doubles quarterfinals kasama si Janice Tjen ng Indonesia matapos talunin sina Leylah Fernandez ng Canada at Kristina Mladenovic ng France, 7-5, 3-6, 10-6, noong Martes.

Nagwagi rin sina Sonay Kartal ng Great Britain at Sara Bejlek ng Czech Republic laban sa kani-kanilang kalaban upang magharap sa quarterfinals.

Tinalo ni Kartal, na nagpaalis sa defending champion at No. 1 seed na si Belinda Bencic ng Switzerland sa unang round, si Renata Zarazua ng Mexico, 6-0, 6-3.

Samantala, ginulat ni Bejlek ang No. 7 seed na si Jelena Ostapenko ng Latvia, 6-4, 6-3.

Sa iba pang mga laban, dinomina ng No. 3 seed na si Carla Tauson ng Denmark si Simona Waltert ng Switzerland, 6-3, 6-1, habang ginulat ni Hailey Baptiste ng USA ang kanyang kababayan at No. 4 seed na si Emma Navarro, 7-6 (6), 0-6, 6-3.

Sa doubles, haharapin nina Eala at Tjen ang No. 2 seeds na sina Cristina Bucsa ng Spain at Shuai Zhang ng China sa quarterfinal round ngayong Huwebes.

Tinalo nina Bucsa at Zhang ang kambal na sina Lyudmyla at Nadiia Kichenok ng Ukraine, 6-1, 6-4.

Nakatakda rin ngayong Huwebes ang semifinal match sa pagitan nina Sofia Kenin/Desirae Krawczyk at Ekaterina Alexandrova/Maya Joint ng Australia.

Nagwagi sina Kenin/Krawczyk via walkover laban kina Ostapenko/Barbara Krejcikova ng Czech Republic, habang ginulat naman nina Alexandrova/Joint ang ikatlong seed na sina Ellen Perez ng Australia at Demi Schuurs ng Netherlands, 6-4, 6-1.

Ang No. 4 seeds na sina Tereza Mihalikova ng Slovakia at Olivia Nicholls ng Great Britain ay umabante sa Final Four matapos ang kanilang 5-7, 7-6 (5), 10-8 panalo laban kina Andreja Klepac ng Slovenia at Irina Khromacheva. Philippine News Agency