BBM

Ekonomiya may pundasyon para agad makabangon—PBBM

256 Views

MAYROON umanong pundasyon ang bansa upang agad na makabangon ang ekonomiya ng bansa, ayon kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Batay sa kanyang pakikipag-usap sa mga napiling maging miyembro ng kanyang economic team, sinabi ni Marcos na mayroong pundasyong naitayo at magagamit sa pagharap sa mga problemang kinakaharap ng bansa gaya ng COVID-19, pagsipa ng presyo ng langis at mga bilihin; mga epekto ng gyera sa Ukraine; at ang nakaambang pandaigdigang krisis sa pagkain.

“Nagbibigay ng kumpyansa sa marami sa atin ang mga pahayag ng ating incoming economic managers sa pamumuno ni outgoing Bangko Sentral governor at incoming finance secretary, Benjamin Diokno, patungkol sa matibay na economic fundamentals na paghuhugutan ng lakas at kaparaanan sa pagharap sa mga suliraning ito,” sabi ni Marcos.

Dagdag ng susunod na Pangulo: “Hindi magiging madali ang trabaho, ngunit malaking bagay na nagmumula tayo sa matibay na pundasyon.”

Ang tiwala umano na agad makababangon ang ekonomiya ng Pilipinas ay pinaniniwalaan din ng International Monetary Fund (IMF). Batay sa projection ng IMF, papalo sa 6.5-percent ang paglago ng bansa ngayong 2022 — pinakamalaki sa rehiyon.

Sa isang talumpati sa Maynila noong Hunyo 13, sinabi ni Diokno na mula Enero hanggang Marso 2022, lumago ng 8.3-percent ang ekonomiya — mas malaki kaysa Malaysia, Indonesia, Vietnam, Singapore, at Thailand.

Kasama sa mga sektor na lumago ang agrikultura, forestry, at pangingisda na nagtala ng 0.2-percent expansion; industriya, na lumago ng 10.4-percent; at services, na lumago ng 8.6-percent.

Sa katapusan ng Abril 2022, umabot sa 106.8 billion US dollars ang gross international reserves — kabilang ang US dollar value holdings, foreign remittances, at ginto — na may katumbas na 9.4 buwang imports, samantalang tatlong buwan lang ang minimum standard na kailangang panatilihin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Halos dalawang milyong trabaho naman ang nailikha noong Pebrero at Marso ng kasalukuyang taon na nakatulong para mapababa ang unemployment rate na pumalo sa 17.6-percent noong Abril 2020, na pinakamataas sa kasaysayan.

At kahit nakaranas ng dagok ng pandemya, agresibong muli ang manufacturing sector; pumalo sa pinakamataas sa higit apat na taon ang S&P Global Philippines Manufacturing Purchasing Managers’ Index, na nasa 54.1-percent noong Mayo.

Tumaas din ang consumer at business confidence: inaasahang papalo sa 30.4-percent sa susunod na labing dalawang buwan ang consumer sentiment o kumpyansa at paggastos ng mga mamimili; inaasahan namang papalo sa 69.8-percent ang business confidence index sa kaparehong panahon.

Sa kabila ng lumobong paggastos ng gobyerno bilang bahagi ng pagtugon sa pandemya na humantong sa mas mataas na debt-to-GDP ratio, kumpyansa si Diokno na bababa ang utang sa 60.4-percent sa taong 2024 — dalawang taon sa panunungkulan ng Marcos administration.

Sa katapusan ng Marso 2022, 63.5-percent ng GDP ang pambansang utang, pero malayo naman ito anya sa ibang bansa na 100-percent o 200-percent ang porsyento ng utang sa GDP.

Bayad na rin ang ipinahiram na cash advances ng BSP sa national government sa kasagsagan ng pandemya noong 2020-2021, na umabot sa 10.3 billion US dollars. Nabayaran ito bago pa man napaso ang June 11, 2022 maturity schedule.

Sumipa naman ng 1.71 billion US dollars o walong porsyento ang foreign direct investments nitong Enero-Pebrero 2022, matapos ang makasaysayang 10.5 billion US dollars foreign direct investments noong 2021.