Gulpi

Empleyadong tulog binugbog hanggang madedo

Gil Aman Jan 16, 2026
251 Views

NASAWI ang 21-anyos na lalaking company worker na ginulpi ng 23-anyos na online seller, habang ang biktima kasama ang nagsilbing saksi ay natutulog sa Barangay 7, Calamba City, Laguna, ayon sa ulat ng Calamba City Police nitong Biyernes.

Ayon sa pulisya, ang mauling incident ay inireport lamang ng Enero 16 samantalang naganap ito noong Enero 9 bandang alas-2:45 ng madaling araw.

Base sa ulat ng pulisya, naganap ang panggugulpi ng suspek sa biktima habang ito ay natutulog. Pinasok ng suspek ang biktima sa kuwarto na malapit sa isang garahe sa MacxMar St., Borja Subdivision, Brgy. 7, habang natutulog, at dito walang babalang sinipa at ginulpi sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang mawalan ng ulirat.

Sinabi ng saksi na wala itong magawa kung hindi humingi ng tulong sa Barangay Public Safety Office upang madala sa Jose P. Rizal Hospital ang biktima subalit inilabas matapos gamutin.

Pagsapit ng alas-11:54 ng gabi, muling dinala sa ospital ang biktima dahil sa pananakit ng ulo at na-confine.

Inilipat ito sa San Pablo Doctors Hospital para sa medical treatment.

Dakong alas-4:35 ng hapon noong Enero 14, habang naka-confine ay binawian ng buhay ang biktima, ayon sa physician.

Nananatili namang nakakalaya ang suspek na kinilalang si alyas “Mark” na residente ng Brgy. Sampiruhan.

Tinitingnan ng pulisya ang anggulo na posibleng selos ang dahilan ng panggugulpi sa biktima, dahil ang saksi na babae ay dati nitong kasintahan.