Truck Ang fire truck na binato at tinusok ng ice pick ang gilid na salamin habang rumeresponde sa sunog sa Happyland, Tondo, Manila.

Fire volunteer: Wala kaming sweldo kaya ‘wag po kaming batuhin

Jon-jon Reyes Sep 14, 2025
428 Views

NAGLABAS ng sama ng loob ang fire volunteer na nabasag ang gilid na bintana ng kanilang fire truck nang batuhin matapos rumesponde sa sunog sa Happyland, Barangay 105, Tondo, Maynila, noong Sabado.

Ayon sa fire volunteer, walang sahod, walang bayad mula sa gobyerno, sariling pera ang ginagamit, at pagod na walang kapalit sa sakripisyong walang hinihiling na kapalit ang alay nila sa taumbayan.

“Rumeresponde po kami para sa inyo, para maisalba ‘yung mga gamit at bahay n’yo hangga’t makakaya pang may maisalba. Pati aso’t pusa, ibon ay inililigtas namin, again wala kaming sahod,” sabi ng volunteer.

Masama ang loob ng volunteer dahil sa pambabato sa kanilang fire truck ay nabasag ang isang bahagi ng salamin nito.

“Ano’ng dahilan? Bakit kailangan mambasag ng fire truck, mambasag ng side mirror, mang-ice pick, mamaril? Ano para mauna ‘yung bahay n’yong maapula? O nagbibida-bida ka lang para kunwari may ambag ka?” tanong pa ng volunteer.

“Paalala ko lang, lahat ng fire volunteer may training bago sumabak sa matinding laban o sunog, kaya alam nila ang gagawin nila.

Magkakapatid tayo, gagawin lahat ng volunteer matulungan lang kayo. Pero bakit kailangan manakit pa? Para patunayan na matikas at mabangis ka? Hindi na uso ‘yon!

Kung mauulit lang ganitong pangyayari, baka lahat ng volunteer hindi na magpunta sa inyo tuwing may nangangailangan ng tulong,” dagdag ng volunteer.

Nanawagan ang ilang mga pamatay sunog kay Mayor Isko Moreno Domagoso na sana ay maalalayan ang mga kapatid nilang mga fire volunteer na nagmula pa sa malalayong lugar para maapula ang naglalagablab na apoy na tumutupok sa mga kabahayan sa Maynila.