Gaballo

Gaballo, Laurente kumpiyansa sa Sanman boxing event sa GenSan

Ed Andaya Aug 8, 2025
495 Views

TIWALA sina Reymart Gaballo at Criztian Pitt Laurente, dalawa sa mga pinaka-mahusay na fighters ng General Santos City, sa kanilang gagawing pakikipagtuos laban sa mga foreign boxers sa Aug. 31 sa Venue 88 sa General Santos City.

Haharapin ni dating interim WBA/WBC world bantamweight champion Reymart Gaballo (29-2) si Pawan Kumar Arya (7-2) sa 10-round bantamweight clash.

Samantala, susubukan ni unbeaten Laurente (14-0) na mapanatili ang kanyang perfect record sa gagawing pakikipagtuos kay Hebi Marapu (19-2) para sa vacant IBF Pan Pacific lightweight title.

Naniniwala si Gaballo na malaki ang kanyang tsansa na manalo sa harap ng kanyang mga kababayan sa kanilang hometown.

“I’m always excited to fight in General Santos City. I will do my best to give a good show,” pahayag ni Gaballo

Buo din ang loob ni Laurente sa kanyang unang regional title shot sa ilalim ng patnubay ng Sanman Boxing.

“My opponent is tough and a good challenge, but I will do my best to win the belt,” paliwanag ni Laurente.

Tatampukan din ang naturang blockbuster boxing promotion ng mga premyadong undercard fighters, tulad nina Jerald Into, Esneth Domingo, Gabriel Santisima, at Sem Enano.

Magsisimula aksyon sa 5 p.m.

Maaari nang makabili ng tickets sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Sanman Boxing facebook page at pagtawag sa +639279557846.