LTFRB

GenSan Airport bukas sa military, humanitarian, gov’t, cargo flights

Jun I Legaspi Jun 9, 2026
122 Views

INANUNSUYO ni Transportation Secretary Banoy Lopez na bukas na sa military, humanitarian, government at cargo flights ang General Santos Airport upang maabot ng tulong ang probinsya mula sa pamahalaan at iba pang sektor matapos itong tamaan ng 7.8 na lindol Lunes.

Pinamamadali na rin ni Secretary Lopez ang pagsasaayos ng passenger terminal building (PTB) ng General Santos Airport upang maibalik sa loob ng isang linggo ang commercial operations ng paliparan para magamit na ito ng mga pasahero.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking mabuti ang structural integrity ng mga transport hubs sa lugar para sa kaligtasan ng mga pasahero at empleyado.

“I’m just giving po ang CAAP, pati ‘yung mga tauhan natin dito, ng one week para maayos nila ‘yung kumbaga ‘yung isang lugar dito para at least maipagpatuloy natin ‘yung commercial operations po dito sa General Santos City,” ayon kay Lopez.

Sa kanyang pag-inspeksyon ng paliparan nitong Martes, nadatnan ni Lopez ang mga sira-sira at nawasak na kisame, mga crack sa pader ng paliparan at basag na salamin sa control tower dahil sa malakas na lindol.

Iniutos ni Secretary Lopez na inspeksyunin mabuti ang structural integrity ng paliparan at agad magsagawa ng rehabilitasyon ng passenger terminal building (PTB) at pagsasaayos ng mga electrical wiring ng paliparan para sa inaasahang pagbabalik ng commercial operations.

Ayon kay Lopez, hindi dapat makompromiso ang kaligtasan ng mga pasahero at empleyado ng paliparan kaya tinitiyak ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ligtas ang istruktura bago buksan at simulan ang operasyon nito.

“Ang utos ng Pangulo sa atin dapat agaran tayong pumunta rito para alamin ang sitwasyon ng mga kababayan natin at mga transport hubs. Pwede natin madaliin pero gusto natin matiyak na safe pa rin lahat ng mga empleyado at mga pasahero,” ani Secretary Lopez.

“Ang concern lang talaga ay maging ligtas lahat ang mga nandito at mga gumagamit ng paliparan,” dagdag ni Secretary Lopez.

Kasamang nag-inspeksyon ng Kalihim sina Transportation Senior Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor, Undersecretary for Aviation and Airports Jim Sydiongco, Undersecretary for Planning Teodorico Delfin, CAAP Director General Raul Del Rosario at Deputy Director General Danjun Lucas.

Iniutos din ni Lopez sa CAAP na tiyaking maayos at gumagana ang control tower ng airport para alamin ang ligtas na lugar na daraanan ng mga pasahero oras na maibalik ang commercial operations ng paliparan.

Samantala, iniutos na rin ni Lopez ang pag-iisyu ng special permits ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) General Santos at Davao sa mga bus companies para maihatid ang mga apektadong pasahero mula sa Davao Airport patungong GenSan Airport at pabalik.