Calendar
Granada, boga nasamsam sa rider, angkas
TIMBOG ang magkaangkas sa motorsiklo dahil sa dalang baril at granada noong Linggo sa Pasay City.
Nakipambuno ang driver ng motorsiklo na si alyas Daniel, 23, sa mga umarestong tauhan ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto ng agawin ng mga pulis ang baril na tinangka niyang hugutin sa San Juan St. dakong alas-3:35 ng madaling araw.
Tinangka ng angkas na si alyas George, 20, na kunin ang dalang granada sa bag subalit napigilan din siya ng mga pulis.
Sa natanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nahuli ang dalawa ng pahintuin dahil sa pagmamaneho ng motorsiklong walang plaka at pagsusuot ng balaclava upang itago ang mukha.
Sa halip na huminto, pinaharurot ni alyas Daniel ang motorsiklo patungo sa Gil Puyat Avenue pero nahuli sa dulo ng San Juan St.
Nakumpiska kay alyas Daniel ang hindi lisensyadong cal .38 revolver, anim na bala at granada naman ang nakuha sa kanyang ka-angkas.
Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Unlawful Possession of Explosives at Resistance and Disobedience to a Person in Authority or its Agents sa Pasay City Prosecutor’s Office.

