Isko

Halos P700M ilalabas ngayong Oktubre ni Yorme Isko para sa higit 333K benepisyaryo

Edd Reyes Oct 13, 2026
24 Views

INANUNSIYO ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang paglalabas ng ₱696,707,920 bilang tulong pinansiyal sa mahigit 333,000 benepisyaryo na bahagi ng ikatlong quarter ng Social Amelioration Program ngayong buwan ng Oktubre.

Kabilang sa mga benipisyaryo ng naturang programa na makakatanggap ng tulong pinansiyal ang mga senior citizen, person with disabilities (PWD) solo parents, estudyante, mga guro kapulisan, at iba pang public safety personnel.

“Ang total po na makikinabang sa Lungsod ng Maynila ay 333,258 individuals with taxpayers’ money of 696 million pesos,” pahayag ng alkalde kasabay ng paliwanag na sinadya niyang unti-untiin ang pagpapalabas ng pondo sa bawat tatlong buwan dahil na rin sa dami ng mga benepisyaryo.

Unang naka-iskedyul na tumanggap mula Oktubre 12 hanggang 15 ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD), Manila Fire Department, Grade 12 students sa ilalim ng Division of City Schools, estudyante ng Unibersidad de Manila . DCS teachers, at subsidies para sa E.A.R.I.S.T. at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), na may kabuuang bilang na 31,180 benepisyaryo na gagastusan ng ₱209,110,920.

Susunod naman ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology at allowance ng mga estudyante ng PLM na may kabuuang 8,295 benepisyaryo na tutustusan ng kabuuang ₱26,699,500 habang mula Oktubre 28-30 naman ang 293,783 benepisyaryo sa ilalim ng monetary allowance program ng lungsod, kabilang ang 12,118 mga batang PWD, 51,916 matatandang PWD, 16,177 solo parents, at 213,572 senior citizens na aabot sa ₱460,897,500.

Ipagkakatiwala sa mga barangay chairmen at kanilang treasurer ang pamimigay ng pensiyon ng mga senior citizen na uunahin ang District 1 at 2 sa Oktubre 28, District 3 at 4 sa Oktubre 29, at District 5 at 6 sa Oktubre 30.

“Habang ako ang inyong mayor ay patuloy tayong mamumuhunan sa pangunahing pangangailangan ng taumbayan,” pagtiyak ni Mayor Isko.