Calendar
Nagsagawa ng pagdining si Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committe On Justice and Human Rights, nitong Nobyembre 5, 2026 tungkol sa pagkuha ng pekeng birth certificate at passports nina Joseph Sy at Alice Guo. Kasama sa inimbitahan sina NBI Director Melvin Matibag at Atty. Eliezer Ambitali ng Philippine Statistic Authority.
JOSEPH MUEGO
Hontiveros hinamon Sy na humarap sa Senado

INIHAYAG ni Senador Risa Hontiveros na naghain na ang Office of the Solicitor General (OSG) ng kaso para ipakansela ang birth certificate ng negosyanteng si Joseph Sy. Hinamon din niya si Sy na humarap sa susunod na pagdinig ng Senado matapos itong hindi dumalo.
“I am happy to hear na sa wakas ay nag-file na ang OSG ng kaso para sa cancellation ng birth certificate ni Joseph Sy. May this be a pathway to the cancellation of other fraudulent birth certificates by other threat actors,” ani Hontiveros.
Sinuspinde niya ang pagdinig sa halip na i-adjourn. “Gusto ko na sanang mag-adjourn na, pero hindi natin yun magagawa nang hindi muli humaharap dito si Ginoong Joseph Sy,” aniya.
Humingi si Hontiveros ng medical certificate matapos sabihin ng abogado ni Sy na si Atty. Alma Mallonga na nasa emergency room ng Makati Medical Center ang negosyante noong umaga ng pagdinig. Ipinaberipika rin niya sa Senate clinic ang kalagayan ni Sy.
Ayon kay Mallonga, handang humarap si Sy nang makausap nila ito noong araw bago ang pagdinig. Pero maaga raw itong tumawag mula sa emergency room dahil masama na ang pakiramdam niya mula pa noong nakaraang gabi.
“Maybe part of it is the stress,” ani Mallonga. Binanggit niya na mahigit 491 araw na nakakulong si Sy, wala pang tatlong linggo mula nang makalaya, at sumailalim sa isang surgical procedure habang nakakulong. Nangako siyang magsusumite ng mga dokumento para patunayang hindi sinadya ang hindi pagdalo nito.
Sa kanyang closing statement, direktang hinarap ni Hontiveros si Sy. “Mr. Joseph Sy: Inaasahan kita sa susunod na hearing. Kung kaya mo mag party-party, baka kaya mo ring dumalo at harapin ang Senado ng Pilipinas,” wika niya.
Iginiit ni Hontiveros na kinumpirma na ng mga ahensya ng ehekutibo na si Sy ay ang Chinese national na si Chen Zhong Zhen, na ayon sa Bureau of Immigration (BI) ay kapareho niya ng fingerprints.
Pero sa ngayon, pumapanig umano kay Sy ang mga korte. Mas binigyang-bigat umano ng isang korte sa Taguig noong Setyembre 2025 at ng Court of Appeals noong Pebrero 2026 ang kanyang birth certificate at passport kaysa sa Alien Certificate of Registration na iniharap ng BI. Noong Oktubre 7, 2026, ipinag-utos umano ng Korte Suprema ang kanyang pansamantalang paglaya kapalit ng P900,000 bond habang nakabinbin ang kaso, nang hindi nireresolba ang kanyang citizenship.
Ayon kay Hontiveros, sinabi ng BI at ng National Security Council (NSC) na maraming banta sa pambansang seguridad ang nagmumula sa mga pekeng Pilipino tulad ni Sy. Marami pa rin daw dayuhan sa mga guerilla POGO na sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may hawak na opisyal na dokumentong para lang sa mga Pilipino.
Sa kanyang opening statement, sinabi ng senador na nairehistro lamang ang kapanganakan ni Sy noong 41 taong gulang na siya. Walang rekord umano ng kasal ng kanyang mga idineklarang magulang, bakanteng lote umano ang idineklarang tirahan sa Novaliches, Quezon City, at hindi ma-authenticate ng parokya ang kanyang baptismal certificate.
“Wala nga po ang simbahan na yon,” ani Hontiveros.
Aniya, mismong PSA na ang kumilala na daan-daan, at lampas pa nga sa isang libo, ang kuwestiyonable o pekeng birth registration na may kinalaman sa mga dayuhan. “Kung mahina ang front door, mahirap habulin ang problema kapag nakapasok na,” wika niya.
Noong Marso 2026 lamang umano inendorso ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa OSG ang pagpapakansela ng birth certificate ni Sy, tatlong buwan matapos nitong kumpirmahin ang mga iregularidad.
Hindi inihayag ni Hontiveros kung kailan ang susunod na pagdinig.

