Bongalon

House leader: PDEA leaks probe dapat itigil na

82 Views

Liderato ng Senado inudyok manghimasok na

NANAWAGAN ang isang lider ng Kamara de Representantes sa liderato ng Senado na manghimasok na sa imbestigasyon ng umano’y Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA leaks dahil sa kawalan umano ng ebidensya at kuwestyunableng mga testimonya.

Sa isang press conference sa Kamara de Representantes nitong Lunes, sinabi ni Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon na ang kawalan ng direksyon ng imbestigasyon ay nakakaapekto sa kredibilidad at integridad ng Senado.

Sinabi ni Bongalon na makabubuti kung ipatitigil na ang imbestigasyon dahil sa negatibong epekto nito sa Senado bilang isang institusyon.

“So, I guess this investigation should be stopped and should be halted to avoid any negative results that may come out of this investigation,” sabi nito.

Ang tinutukoy ni Bongalon ay ang dating PDEA agent na si Jonathan Morales na tumestigo sa pagdinig ng komite ni Sen. Bato Dela Rosa at sinabing siya ang gumawa ng report na tinatawag ngayong PDEA leak at nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga noong 2012.

Sa kaparehong pagdinig ay sinabi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo na hindi totoo ang dokumento at wala ito sa system ng ahensya. Sinabi rin ni Lazo na ang mga alegasyon ni Morales ay gawa-gawa lamang at walang basehan.

Ayon kay Pangulong Marcos, si Morales ay isang “professional liar.”

Tinawag naman ni Bongalon si Morales na isang “pathological liar” dahil sa kanyang consistent dishonesty.

“So with these kinds of testimonies, there is no even corroborative evidence, there is no documentary evidence being presented. Ito lang very patent, iyong mismong identity lang ng agent na nagbigay sa kanya ng impormasyon, hindi niya maalala kung ito ba ay babae or lalaki,” wika pa ni Bongalon.

“We’re just wasting our time and effort instead of focusing our investigation on more important issues being faced by our country,” saad pa nito.

Iginiit naman ni Assistant Majority Leader at La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V ang kahalagahan na kumpirmahin kung totoo ang mga ebidensya na inilalabas sa imbestigasyon.

“With the way things are going, is the information true? May katotohanon po ba sa mga lumalabas na impormasyon kasi iyon po ang kailangang sundin eh,” sabi ni Ortega.

“Sayang po ang time and resources kung parang majority po sa kanila ang tingin dito walang validity, walang katotohanan na iyong pinagsasabi ng resource person nila,” dagdag pa nito.

Nanawagan din si Ortega sa Senado na pag-aralan kung dapat pa bang ituloy ang naturang imbestigasyon.

“The meat ng discussion is not centered on what should be. Sabi nga nila kung sino o saan ang cause ng leak, so the information is there pero may katotohanan po ba? Totoo po ba? Tingin po natin wala pong katotohanan,” saad pa ni Ortega.