Ortega La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V

House leader sa PSA: I-cross-check lahat ng pangalan sa OVP receipts

81 Views

Matapos mapatunayang peke si ‘Mary Grace Piattos’

NANAWAGAN ang isang solon sa Philippine Statistics Authority (PSA) na beripikahin ang lahat ng pangalan sa isinumiteng acknowledgment receipt (AR) ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA) upang bigyang katwiran ang paggastos ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Ginawa ni Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V ang panawagan matapos sabihin ng PSA na walang rekord ng “Mary Grace Piattos” sa kanilang database.

Si Mary Grace Piattos ang isa sa sinasabing binibigyan ng confidential fund ni Duterte.

“The revelation that Mary Grace Piattos is a fictitious identity raises serious red flags. The PSA must immediately audit and verify all the names appearing in the ARs submitted by the OVP to the Commission on Audit (COA),” ayon kay Ortega.

Base sa sertipikasyon mula sa PSA, walang rekord ng kapanganakan, kasal o pagkamatay ang pangalang Piattos.

Ang nabanggit na pangalan ay lumabas sa mga AR na isinumite sa COA bilang patunay ng gastos mula sa P500 milyong confidential funds ng OVP na inilabas sa apat na bahagi, mula huling bahagi ng 2022 hanggang 2023.

Sinabi ni Ortega na ang paggamit ng pekeng pangalan ay maaaring isang sistematikong paraan ng panlilinlang.

“This isn’t just an isolated case. If a fabricated name was used to justify millions of pesos in spending, it undermines the integrity of public accountability. It also raises the question: how many more fake names might be buried in those ARs?” saad pa nito.

Hinikayat niya ang PSA na muling suriin ang lahat ng iba pang pangalan sa mga isinumiteng resibo upang matukoy ang posibleng lawak ng mga iregularidad.

“Hindi puwedeng tumigil tayo sa isa lang. The PSA’s findings should serve as a springboard to conduct a deeper investigation. The Filipino people deserve transparency and accountability, especially in the use of public funds,” punto pa ni Ortega.

Nauna nang nagbabala si Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre at Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman tungkol sa posibleng modus ng pamemeke ng mga financial records sa loob ng OVP sa pangangasiwa ni VP Duterte.

Kapwa naniniwala ang mga mambabatas na ang kaso ni Piattos ay “tip of the iceberg” pa lamang sa mas malawak na iregularidad.

Nangangamba rin si Ortega na sinabing, “The certification from the PSA opens up a Pandora’s box of potential anomalies.”

“If one name was falsified, it is not unreasonable to suspect that other receipts may also contain fictitious names,” dagdag nito.

Sinegundahan din ni Ortega ang pahayag ni Acidre na ang prinsipyong falsus in uno, falsus in omnibus (mali sa isa, mali sa lahat) ay naaangkop sa mga financial record ng OVP.

“Kung gawa-gawa si Mary Grace Piattos, ano pa ang totoo sa mga dokumentong ito? We need to ensure that every peso spent is accounted for and supported by truthful, verifiable records,” giit pa nito.