Vic Reyes

ICI nag-iingat lang, bawat miyembro may integridad

Vic Reyes Oct 19, 2025
374 Views

MALIGAYANG araw sa lahat ng ating mga suki, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina: Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God Bless sa inyong lahat!

(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa:+63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

***

Maganda nga siguro kung muling pamumunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang Blue Ribbon Committee.

Ayon kasi sa panayam kay Senate President Tito Sotto, noong nakaraang Sabado sa DWIZ, may posibilidad pa rin daw na mabalik si Senate President Pro Tempore Ping Lacson bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sinabi ito ni Sotto na patuloy nilang kinukumbinsi si Lacson na maging committee chair ng BRC.

Ayon kay Sotto, magpupulong ang Blue Ribbon Committee bago matapos ang Oktubre para pag-usapan ang kahilingan ng mga sinibak na Public Works and Highways Bulacan 1st District engineer, Henry Alcantara at assistant district engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza para sa house arrest.

Kasabay nito, kukumbinsihin din nilang muli si Lacson na bumalik bilang chairman ng nasabing komite.

Karamihan naman daw sa kanila ay pabor kay Lacson.

Bagamat nagbitiw bilang chairman ng BRC si Lacson, nangako naman ito na patuloy na lalabanan ang katiwalian.

Masyado kasi ang pagkadismaya ni Lacson sa ilang kasamang mae-epal na may mga lihim naman palang personal na agenda..

Sana nga muling pamunuan ni Lacson ang blue ribbon at huwag na siyang magpa-apekto, lalo na dun sa sinasabing tumanggap umano ng P150-M.

Ano sa palagay niyo?

***

Bagama’t maraming tumutuligsa ngayon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), dahil sa hindi nila pagsasapubliko ng isinasagawang pagdinig kaugnay sa maanomalyang bumalot sa “flood control projects” ng DPWH, kailangang suportahan pa rin natin ito.

Kung ngayon pa lang ay may mga gumagawa na ng ingay para tuligsain ang ICI, aba’y huwag naman.

May integridad ang bawat miyembro ng ICI.

Sa tingin natin, iniiwasan lang ng ICI na magawan sila ng kontrobersiya ng mga taong sangkot sa kanilang imbestigasyon.

Hindi naman siguro sa ayaw, nag-iingat lang marahil.

Sa katunayan, noong Biyernes ay sinimulan na ng ICI na ayusin ang mga inter-agency team para imbestigahan ang daan-daang maanomalyang flood control project sa buong bansa.

Sinabi ni ICI special adviser Rodolfo Azurin Jr. na nakikipag-ugnayan na ang ICI sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba’t ibang grupo ng mga ihinyero, kabilang ang mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at civil engineers’ organizations, para magsagawa ng technical inspections at forensic validation.

Ayon kay Azurin, “In connection with the investigation, we are organizing the units, agencies and personnel who will be part of the probe.”

Inatasan rin ng komisyon ang AFP, PNP at DPWH na tukuyin kung aling mga proyekto ang ghost, substandard, unfinished, o overpriced.

Nag-inspeksyon na ang AFP, PNP at Department of Development (Devdep) sa mga site. Kaugnay nito, natukoy nila ang 421 “ghost projects” sa buong bansa.

Nagpapatuloy na sila ngayon sa teknikal na aspeto.

Ang 421 na kuwestiyonableng flood control projects na natuklasan ng mga auditor ng gobyerno, partikular na mula sa DPWH, ay mula 2018 hanggang 2025.

Tinitingnan din ng ICI kung kailan nagsimulang lumala ang nasabing iregularidad para makagawa sila ng mga rekomendasyon upang maiwasang muli itong mangyari.

Sana hindi maging ningas-kugon ang imbestigasyon sa mga kasong ito ng mga walanghiyang mambabatas, kasabwat ang mga taga-DPWH at mga dorobong kontratista.

Dapat masunog sa impiyerno ang kaluluwa ng mga hayop na may kagagawan nito.

Tama ba, Ombudsman Boying Remulla?