Calendar
Inspeksyon sa mga mini-carnival dapat higpitan
NAGING tradisyunal na sa mga bayan at lungsod sa mga lalawigan ang magbigay ng permiso sa mga operator ng mini-carnival, hindi lang sa kapistahan, kundi maging sa panahon ng Kapaskuhan.
Pagpasok pa nga lang ng buwan ng Setyembre, namutiktik na ang mga mini carnival sa Region 4A, na tiyak na tatagal hanggang unang linggo ng Enero sa susunod na taon.
Kaya dapat lang na higpitan ng mga lokal na pamahalaan ang pag-iinspeksiyon sa mga carnival rides dahil may mga nangyari ng aksidente sa iba’t-ibang lalawigan na nagreresulta sa pagkakasugat o pagkasawi pa ng sumasakay na karamihang biktima ay mga kabataan.
Yung iba kasing operator, makapaglagay lang, hindi na sinusuri ang katatagan at tibay ng mga amusement rides kaya kailangang pumapel sa inspeksiyon ang lokal na pamahalaan dahil kabilang din sila sa masisisi kapag may nangyarin disgrasya.
At tsaka hindi lang lokal na pamahalaan ang dapat nagbabantay sa mga perhayan kundi dapat magtalaga rin ng kapulisan dahil talamak din sa loob nito ang mga ilegal na sugal na kinahuhumalingan ng kabataan.
Dito lang sa bayan ng Tanay, Angono, at Taytay sa lalawigan ng Rizal, at maging sa mga lungsod ng Cabuyao, Sta Rosa, Binan, at San Pedro sa lalawigan ng Laguna, may mga ilegal na sugal sa mga peryahan na pinangangasiwaan nina alyas Rambo, Taguro, Tessie, Nonie, Judith, Nelma, at Ronnie.
Sa lalawigan ng Batangas, may mga ilegal na sugal din sa mga peryahan sa Calaca, San Pascual, at Malvar na ang mga operator ay sina alyas Arnel, Rudy, at Glenda, habang sa Cavite ay naglatag din sina alyas Emily, Sing, Emily, Egay, Rommel, Ronnie, at Fe sa Imus, Naci, Dasmarinas, Cavite City, at Silang.
Ang problema kasi, mismong ang mga nag-iikot na sina alyas “Jorge” at alyas “Rigor” na dapat ay mag-inspeksiyon kung may ilegal sa peryahan, sila pala ang kolektor at nagbibigay ng proteksiyon sa mga operators.
Tiyak na may paglalagyan ang mga ito kapag nalaman ni Region 4A Director P/BGen Paul Kenneth Lucas ang kanilang modus-operandi.
15 bagong kabataang iskolar sa sining, pinangalanan
MAPALAD ang 15 mahuhusay na bagong benepisyaryo ng NavotaAs Art Scholarship Program para sa school year 2025-2026 na nagpamalas ng husay sa larangan ng sining dahil bukod sa P16,500 per academic year para sa transportasyon at pagkain, dagdag na P20,000 pa para sa workshop at training ang kanilang matatanggap.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, hindi lamang mga mahuhusay sa akademya ang kanilang ipinangakong aalagaan kundi ang mga nagpapakita rin ng husay sa larangan ng sining at sports dahil nais niyang bigyan ng oportunidad ang bawat Navoteño na maabot ang kanilang pangarap.
Sinabi ni Mayor Tiangco na simula noong taong 2011, mahigit 1,000 estduyante at guro na ang sinuportahan ng kanilang programa at natulungang maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay at maitaguyod ang husay sa kani-kanilang piniling larangan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
