Calendar
Lacson kailangan ng BRC
ISANG magandang araw sa lahat ng ating mga suki, pati na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Roana San Jose, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, La Dy Pinky, Endo Yumi, , Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.
Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.
God Bless sa inyong lahat!
(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa:+63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)
***
Mukhang nakatakda nang bumalik bilang chairman ng Blue Ribbon Committee si Sen. Panfiko “Ping”Lacson.
Ayon sa isang panayam kay Senate President Vicente Sotto III, “100 percent” na daw na babalik si Sen. “Ping” bilang chairman ng (BRC).
Magandang balita ito para sa taumbayan.
Marami kasing naniniwala sa kakayahan ni Senator Ping na pamunuan ang BRC.
Hindi naman sa tinatawaran natin ang galing ng ibang senador pero bihasa na kasi si Senador Ping at kanyang mga tauhan sa pagiimbestiga ng mga katiwalian.
Bagamat nagbitiw bilang chairman ng BRC si Lacson, noong nakaraang Oktubre 6, nangako naman ito na patuloy na lalabanan ang katiwalian.
Masyado kasi ang pagkadismaya ni Lacson sa kasamang mae-epal na mayroon naman palang personal na agenda.
Kailangan ka ng BRC Sen Ping!
Huwag ka na magpa-apekto, lalo na dun sa sinasabing tumanggap ng P150-M.
Tama ba kami, Philippine Red Cross chairman Dick Gordon?
***
Heto pa ang isang inaabangan ng taumbayan. Nagsampa na ng kasong plunder si dating Senador Antonio Trillanes IV, sa Office of the Ombudsman, laban kina dating pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Bong Go, Deciderio Go (tatay ni Bong Go) at sa half-brother na si Alfredo.
Sinabi ni Trillanes na ang mga respondent “enriched themselves by as much as P7 billion in government contracts, P5.1 billion of which were awarded during the first two years of respondent Duterte’s term as president of the republic.”
Inakusahan din niya ng graft ang mga respondent.
Nag-ugat ang reklamo sa “illicitly and dubiously awarded” na mga kontrata ng gobyerno na nagkakahalaga ng P6.9 bilyon sa CLTG Builders at Alfredo Builders & Supply, na pag-aari ng immediate family members ni Go.
Katulad nang inaasahan, itinanggi ni Go ang mga paratang.
Ang mahirap lang, sobra nang naabuso ang ating bansa at mamamayan patuloy pang namamayagpag sa pwesto ang mga magnanakaw at mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Nag-aabang ang taumbayan sa mga kasong isinasampa laban sa mga nakinabang sa nakaraang administrasyon.
Hindi na kasi kayang tiisin ng ating mga kababayan, ang talamak na katiwalian na nangyari sa mga panahong iyon.
Hanggang kailan ba lolokohin ng mga mandarambong ang naghihikahos nating bansa?
Hanggang kailan nga kaya mga kabayan?
