Edd Reyes

Kapakanan ng tao una sa Muntinlupa

Edd Reyes Oct 29, 2025
193 Views

HINDI lang ang Kongreso ang abala ngayon sa pagbusisi sa panukalang pambansang budget para sa susunod na taon kundi maging ang mga local government units (LGUs).

Habang mainit kasi ang usapan sa pambansang budget, marami na ring mga LGUs ang masusing binabalangkas na ng maayos ang kanilang budget sa susunod na taon na dadaan naman sa pagbusisi ng mga miyembro ng kani-kanilang Sangguniang Panlungsod.

Kailangan kasing busisiin ang pambansang budget at budget ng mga lokal na pamahalaan dahil naging kostumbre na noon pa man na mabigyan ng pabor ang hirit ng mga pulitiko para sa kani-kanilang distrito sa national government at barangay naman sa local government.

Pero dito sa Muntinlupa City, kakaiba ang ipinamalas na paninindigan ni Mayor Ruffy Biazon dahil hindi pulitika, kundi kapakanan ng tao ang kanyang inuna sa paglalaan ng sapat na pondo.

Sa P8.8-bilyong budget nga ng lungsod sa 2025, higit 40% nito o halos P4.00 sa bawat P10.00 ay diretso sa kalusugan at edukasyon na mas mataas sa pambansang pamantayan. Sa kabuuan, 22% ang inilaan sa kalusugan at 18% naman sa edukasyon.

Paliwanag ni Biazon, mas malaki ang inilaan niyang pondo sa kalusugan dahil kasama na rito ang modernisasyon ng Ospital ng Muntinlupa (OsMun), pagbili ng makabagong kagamitan, at pagpapatatag ng mga barangay health center upang mapalapit ang serbisyong medikal sa bawa’t residente.

Sa larangan naman ng edukasyon, patuloy ang pamumuhunan ng lungsod sa scholarship programs, school kits, at suporta sa mga guro, upang matiyak na walang batang maiiwan sa pag-aaral. Ang bawa’t iskolar at silid aralan aniya ay puhunan sa pantay na oportunidad at pinatutunayan lang nito na ang pamamahala sa ay tungkol sa tiwala.

Dagdag pa niya, ang budget ng kanilang lungsod ay salamin ng kanilang konsensiya kaya pinili nila ang tao kaysa pulitika at ang pangangailangan, kaysa luho.

Raket ng tatlong itlog, buhay na naman

BUHAY na naman pala ang raket nina alyas “Rogie”, “Jaymark”, at “Parak” na nagpapasiklab na malakas sila sa Camp Crame at kaya nilang proteksiyunan ang mga inilatag na ilegal na pasugalan sa Pampanga at Bulacan.

Makakapagyabang naman talaga ang tatlo dahil dito lang sa Lungsod ng Angeles at mga Bayan ng Bacolor, Candaba, at Malpitik sa Pampanga ay buhay na buhay ang number at color games nina alyas Luigi, Evelyn, Niknok, at Randy.

Maging sa lalawigan ng Bulacan, may mga ilegal na pasugalan din sina alyas Irene sa Baliwag, alyas Egay sa San Jose Del Monte, alyas Tolits sa Norzagaray, alyas Linda at Gordon sa Angat, alyas Macalindog sa Meycauayan, at alyas Beth sa Guiguinto.

Baka abala lang sa pagsugpo sa ilegal na droga si Police Regional Office (PRO)-3 Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Peñones Jr. kaya hindi nabibigyang pansin ang mga ilegal na sugal sa kanyang nasasakupang lugar.

Noon kasing District Director ng Northern Police District (NPD) si BGen. Pojie Peñones, hindi nakaporma sa kanya ang mga gambling lord kahit pa nakatutok siya sa pagsugpo sa ilegal na droga.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com