Calendar
Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
ICI walang ililigtas ― PBBM
IPINAHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang kaniyang matibay na paninindigan na ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay magsasagawa ng imbestigasyon nang walang kinikilingan o pinapaboran, at walang sinuman―kaibigan, kaalyado o kamag-anak―ang magiging ligtas sa pagsusuri.
Sa kaniyang talumpati sa Kalayaan Hall ng Malacañan Palace, nagbigay ng tugon si Pangulo Marcos sa mga pangamba na maaaring madawit sa imbestigasyon ng komisyon ang ilang miyembro ng kaniyang political circle, kabilang si Speaker Ferdinand Martin Romualdez at iba pang lider ng Kongreso.
“There’s only one way to do it―they will not be spared. Anybody will say, ‘Ah wala tayong kinikilingan, wala tayong tinutulungan.’ Wala namang maniniwala sa iyo hangga’t gawin mo. So gagawin namin,” giit ni Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang kredibilidad ng komisyon ay nakasalalay sa kakayahan nitong magsagawa ng malayang imbestigasyon, anuman ang political affiliation ng mga sangkot.
Ayon sa Chief Executive, tanging sa pamamagitan ng patas na aksyon makakamit ng ICI ang tiwala ng sambayanang Pilipino.
Ang ICI ay pinamumunuan ni dating Supreme Court Associate Justice Andres B. Reyes Jr., kasama sina dating Department of Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson at SGV & Co. Managing Partner Sussana Fajardo bilang mga miyembro.
Itinalaga rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang Special Adviser, dala ang kanyang investigative expertise sa ICI.
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang ICI na isapubliko ang mga natuklasan at rekomendasyon nito, bilang bahagi ng transparency at upang maibalik ang tiwala ng publiko sa paggugol ng pamahalaan. PND

