Corrupt

Lacson umaasang magdadala ng hustisya ICI sa bayan

281 Views

SA pagtatalaga kay dating Supreme Court Justice Andres Reyes Jr. bilang chairman, nakikita ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na maihahatid ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang hustisya sa bayan na aniya ay “lubog” sa korapsyon.

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatalaga kay Reyes bilang pinuno ng ICI. Ayon kay Lacson, nakadaupang-palad niya ang dating mahistrado at nasaksihan ang kanyang integridad. “I had the chance of meeting him while he was still with the Supreme Court. He has integrity,” ani Lacson.

Kasama sa komisyon sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at dating SyCip Gorres Velayo & Co. (SGV) managing partner Rossana Fajardo, habang si Mayor Benjamin Magalong ng Baguio City ang magsisilbing special adviser.

“We are hopeful that they can help bring justice to a nation ‘drowning’ in corruption, no thanks to the insatiably greedy government officials, mostly from the legislative and executive branches,” pahayag ni Lacson, na iginiit na kanya itong personal na pananalita.

Noong Linggo, pinuri ni Lacson ang pagpapalawak ng saklaw ng ICI upang masaklaw ang lahat ng infrastructure projects at hindi lamang limitado sa flood control projects. Umaasa rin siya na palalawakin ng Sumbong sa Pangulo website ang coverage nito lampas sa flood control concerns.

Idinagdag pa niya na may mga panukalang batas na inihain sa parehong kapulungan ng Kongreso upang gawing institusyon ang ICI, na may kapangyarihang inihalintulad sa Independent Commission Against Corruption (ICAC) ng Hong Kong at Corrupt Practices Investigation Bureau (CPIB) ng Singapore.