Imbakan para sa mga nakumpiskang illegal na droga iminungkahi

235 Views

DAPAT magtatag ng isang ahensiya ng pamahalaan na gagamiting imbakan ng mga kumpiskadong illegal na droga upang maiwasan ang “discrepancy” sa datos at bilang ng mga nakukumpiskang kontrabando sa mga isinagawang “drug operations”.

Ito ang ipinanukala ni Agusan del Norte 2nd Dist. Cong. Dale Corvera sa Kamara de Representantes na panahon na upang magkaroon ng isang “repository” o imbakan ng mga nakumpiskang illegal na droga mula sa mga isinagawang drug operations ng mga awtordad.

Ipinaliwanag ni Corvera na layunin ng kaniyang panukala na maiwasan na mapuslitan ang mga awtoridad ng mga nasamsam na ilegal na droga sapagkat may mga pagkakataon na muling ibinebenta ang mga nakompiskang droga kaya’t hindi masawata ang bentahan nito.

Sang-ayon naman si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, sa naging panukala ni Corvera sa pagsasabing maiiwasan aniya nito ang “discrepancy” sa datus at bilang ng mga kumpiskadong illegal drugs.

Sinabi ni Barbers na may mga pagkakataon na nagkakaroon ng “discrepancy” sa ulat ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Dahil dito, nabatid kay Barbers na nagdudulot lamang ng malaking problema sa epektibong pagpa-plano at pagpapatupad ng mga drug operations ang kalituhan sa totoong “accounting” o bilang ng mga nakumpiskang illegal drugs.

“Ang tingin ko eh panahon na para magkaroon talaga ng isang repository para sa mga nakukumpiskang illegal drugs. Kasi dito mas lalong mapag-iingatan ang mga nakumpiskang illegal na droga at maiiwasan natin ang discrepany,” paliwanag ni Barbers.