Calendar
Impeachment ni VP Sara paghahanap ng katotohanan, hindi witch hunt — Rep. Ridon
PINABULAANAN ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang alegasyon na isa lamang witch hunt ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, at iginiit na isa itong proseso na nakasaad sa Konstitusyon at nakabatay sa ebidensiya kung saan makikita ng publiko ang katotohanan.
“Well, I think we have to hunt for the truth. We have to hunt for accountability, we have to hunt for transparency,” ani Ridon sa panayam ng mga mamamahayag.
“So very important po ‘yung proseso ng impeachment and quite certain in the last Congress, talaga hong nakita noon pong dating kongresista tsaka mga kasalukuyang mga kongresista na meron pong batayan para ituloy, isulong, i-approve, ipadala sa Senado ‘yun pong impeachment ni Vice President Sara Duterte,” dagdag pa niya.
Ang pahayag ay tugon sa naunang komento ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri na ang impeachment laban kay Duterte ay isang witch hunt.
Sinabi ni Ridon na kumilos ang Kamara ayon sa kanilang konstitusyonal na tungkulin nang ipasa nito ang Articles of Impeachment sa Senado, at dapat hayaang isulong nang buo ang proseso.
“Nakita naman ho natin mga pangalan, nakita ho natin si Mary Grace Piattos, nakita ho natin lahat ng mga kakaibang pangalan na hindi ho nage-exist sa atin pong Philippine Statistics Office.
Walang birth certificate, walang marriage certificate, walang death certificate. So, hindi ko alam kung ano ho ‘yung batayan,” paliwanag ni Ridon.
Umiwas si Ridon na direktang punahin si Zubiri ngunit kinuwestiyon niya ang implikasyon ng ganitong mga pahayag mula sa mga inaasahang magiging patas sa proseso.
“Of course, we respect his (Zubiri’s) position on the matter. Obviously, there’s a call for neutrality hindi ho ba? As Senator Judges. So I’m not quite certain on how it would play into that,” ani niya.
Binigyang-diin ng nagbabalik na kongresista na inaasahan ng Kamara na itutuloy ng Senado ang paglilitis nang walang pagkaantala o procedural shortcuts.
Inulit niyang ang konstitusyonal na papel ng Senado ay subukan at pagdesisyunan ang impeachment, at hindi ito dapat pangunahan ng isang mosyon para ibasura ang kaso.
“Pero again, obviously the position of the House would be for the Senate to proceed with the impeachment trial in the soonest time,” ani Ridon.
“Malinaw ang rules ng Senate, malinaw ang Constitution, malinaw na hindi puwede na meron pong motion to dismiss lang po ang gagawin ng mga senador pagka-convening the Senate impeachment court under the 20th Congress,” dagdag ni Ridon.
Nang tanungin kung ang mga pahayag ng ilang senador ay indikasyon ng tangkang hadlangan ang paglilitis, iginiit ni Ridon na walang legal o konstitusyonal na basehan para sa ganitong hakbang.
“Well, we will leave it to their discretion as an impeachment court. Pero again the position of congressmen and of course, civil society and the public would be there is no basis to do a motion to dismiss,” giit niya.
Aniya, malinaw ang konstitusyonal na obligasyon ng Senado: litisin ang kaso, pakinggan ang ebidensiya, at magdesisyon base sa mga impormasyong ihaharap sa publikong pagdinig.
“The constitutional obligation for senators as judges would be to try the impeachment and to decide on the impeachment. So I’m not quite certain kung saan po nanggagaling ‘yung batayan kung ah, sa pagbabasura po ng wala pong trial ito pong impeachment ni Vice President Sara Duterte,” aniya.
Nang tanungin kung may ilang senador na gustong iwasan ang buong paglilitis, tumangging magbigay ng haka si Ridon ngunit iginiit ang inaasahan ng publiko.
“I cannot speak for them obviously no, pero ang gusto ho talaga natin magkaroon po ng open, transparent impeachment proceedings. Ibig sabihin kailangan maglatagan ng ebidensiya, kailangan ho maglatagan ng depensa,” ani Ridon.
Binigyang-diin din niya na ang pagpapatuloy ng buong paglilitis ay makabubuti rin sa magkabilang panig upang maipakita sa publiko ang kanilang ebidensiya.

