PS16

Indian nat’l arestado sa holdup

111 Views

ARESTADO ang isang Indian national na sangot umano sa panghoholdap sa Quezon City.

Ang suspek na si Jagdeep Singh Brar, 30-anyos, at residente ng Barangay Batasan Hills, Quezon City, ay naaresto ng Pasong Putik Police Station (PS 16).

Ayon sa ulat ng pulisya, nasa labas ng Trees Residence Condominium sa Quirino Highway, Brgy. Pasong Putik Proper, Novaliches, Quezon City, ang biktimang si Teody Gines Dichoso Jr., Grab driver, nang tutukan umano ng baril ng suspek alas-9 ng gabi.

Kinuha umano ng suspek ang belt bag ng nanlabang biktima. Napansin umano ng mga pulis sa lugar ang komosyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Narekober umano sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na mayroong mga bala at basyo.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong robbery at paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.